ni Mary Ann Santiago
Sinimulan na rin ng Marikina City government ang distribusyon ng financial assistance mula sa national government para sa mga low-income families na apektado ng pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus Areas.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, mayroong 73,300 residente ang magiging benepisyaryo ng naturang ECQ ayuda, na dadagdagan pa nila ng food packs.
Target aniya nilang matapos ang pagpapamahagi ng ayuda sa loob ng 15-araw.
Matatandaang nagpatupad ang gobyerno ng dalawang linggong ECQ sa NCR Plus areas o Metro Manila, Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal kaya’t maraming residente ang naapektuhan nito.
Dahil dito, nagpasya ang pamahalaan na magkaloob ng tig-P1,000 cash aid kada indibidwal o maximum na P4,000 kada pamilya, na siyang ipinamamahagi na ngayon ng mga local government units (LGUs) sa kanilang constituents.
Ayon kay Teodoro, gagamitin nila ang mga silid-aralan sa lungsod sa pagpapamigay ng cash aid, na ipagkakaloob ng by batch.
Nasa maximum na 15-katao lamang ang papayagang manatili sa silid-aralan upang matiyak na magkakaroon ng social distancing.
“We will not allow people to line up [and] converge in a gymnasium but they will be given schedules and there will be protocol officers to make sure or guarantee there will be observance of minimum public health standards," paliwanag ng alkalde.
Bukod aniya sa cash aid at food packs para sa mga residente, may 6,000 na small enterprises rin, gaya ng sari-sari stores at mga eateries ang pagkakalooban ng tig-P20,000 bilang bahagi ng sustainable livelihood program sa lokal na pamahalaan.