mi Mary Ann Santiago
Inirekomenda ng OCTA Research Group sa pamahalaan ang implementasyon ng dalawang linggong modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus areas, sakaling tuluyan nang magtapos at hindi na mapalawig pa ang umiiral na 2-week ECQ.
Ayon sa grupo, makatutulong ang dalawang linggong MECQ upang mapanatili ang naging epekto ng dalawang linggong ECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sinabi ni Professor Ranjit Rye ng OCTA na sa ngayon ay hindi pa ideyal na tuluyan nang muling buksan ang NCR Plus areas.
Paliwanag niya, nananatili pa ring mas mataas sa 1 ang reproduction number ng COVID-19, na nangangahulugang mahigit pa rin sa isang tao ang naihahawa ng isang COVID-19 patient, at ang average number ng daily new cases ay nananatiling “very high” o napakataas.
“Moreover, a continuing concern is that hospital capacity in the region and the bubble remain at critical capacity. We need time to slow this surge down. We cannot open prematurely as this could accelerate the surge,” babala pa niya.
Una nang sinabi ng Malacañang na “unlikely” na mapalawig pa ang ECQ sa NCR Plus, na nakatakdang magtapos sa Linggo, Abril 11.
Sinabi na rin ng Department of Health (DOH) na ang pagpapaluwag ng restriksiyon ay dapat na unti-unti lamang, kung saan dapat na magpatupad muna ng MECQ, sa halip na tumalon kaagad sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ).
Nakatakda namang magpulong ngayong Sabado ang Inter-Agency Task Force (IATF) upang talakayin ang magiging susunod na quarantine restrictions sa NCR Plus.
Kaugnay nito, hinikayat rin naman ng OCTA Research ang national government na makipagtulungan sa kanilang local counterparts at sa pribadong sector upang mapabilis ang COVID-19 vaccination sa NCR Plus.
“In particular, we need to expand the number of vaccination sites in the NCR to accommodate more individuals and reduce the possibility of superspreader events due to crowding in vaccination centers,” ani Rye.