ni Mary Ann Santiago
Umaabot na sa mahigit 922,000 indibidwal ang nakapagpabakuna na laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang nitong Abril 6 lamang ay nasa kabuuang 922,898 indibidwal na ang naturukan ng COVID-19 vaccines.
Sa naturang bilang, 64% o 872,213 ang nakakuha na ng kanilang first dose ng bakuna, habang 3.7% naman o 50,685 ang nakakumpleto na ng dalawang dose.
Mayroon rin umanong 2,670 vaccination sites sa buong bansa ang nagtuturok ng 1,936,600 doses na naipamahagi na ng pamahalaan, o katumbas ng 77% ng 2,525,600 shots ng bakuna na naideliber sa bansa.
Nabatid na ang seven-day daily average ng nabakunahang mga indibidwal ay nasa 22,932 ngayon mula sa dating 32,940 noong Marso 30.
Mayroon rin umanong pitong lokal na pamahalaan ang napilitang itigil ang pagbabakuna sa mga senior citizens dahil sa kakulangan ng AstraZeneca vaccines.
May ilan sa kanila naman ang nagpatuloy na sa pagbabakuna sa mga matatanda matapos na bigyan na ng go signal ang pagtuturok ng Coronavac ng Sinovac para sa senior citizens.
Matatandaang ang Sinovac ay dating pinapayagan lamang na maiturok sa mga indibidwal na nagkakaedad ng 18-59-anyos na may comorbidities at ang AstraZeneca naman ay ibinibigay para sa mga senior citizen.Tiniyak naman na ng DOH na ang COVAX Facility, ang global initiative para sa equitable vaccine distribution, ay nag-commit na magdedeliber ng bagong batch ng AstraZeneca doses ngunit maaantala ito dahil na rin sa kakulangan rin ng suplay nito.