Ni Edwin Rollon

HINDI na kailangan pang lisanin ang lalawigan para matupad ang pangarap na maging professional basketball player. Ang pintuan ng oportunidad na matagal nang nakapinid para sa mga probinsiyanong cagers ay bukas na para sa lahat.

Sa unang pagkakataon, ganap na 4:00 ng hapon, pormal na sisimulan ang professional basketball league para sa mga Batang Taga South (BTS) sa paglarga ng Chooks-To-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa bayan ng Alcantara sa Cebu.

Magtataas ng telon para sa kasaysayan sa Araw ng Kagitingan ang Tubigon Bohol Mariners at MJAS Zenith Talisay Aquastars para sa unang duwelo sa ‘bubble set’ ng liga sa Alcantara Sports and Civic Center.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Magtutuos naman sa ikalawang laro ganap na 7:00 ng gabi ang Siquijor Mystique at KCS Mandaue Computer Specialist.

Ikinalugod ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang masinsin na pakikipagtulungan ng Vismin Cup organizers sa GAB Medical Team para masunod ang itinatadhanang ‘safety and health’ protocol ng Joint Administrative Order (JAO) na nilagdaan ng GAB, Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH), gayundin ang mga karagdagang ‘safety measure’ na ipinatutupad ng Region 7 Inter-Agency Task Force (IATF), Pamahalaang Munisipalidad ng Alcantara sa pamumuno ni Mayor Fritz Lastimoso at Pamahalaang Lungsod ng Cebu, sa pangunguna ni Governor Gwen Garcia.

" We would like to thank the Region 7-IATF, Governor Gwen Garcia, and the Municipality of Alcantara for helping our GAB personnel in assessing the situation in Alcantara," pahayag ni Mitra.

Pinamunuan ni GAB Commissioner Eduard Trinidad ang sports regulators and safety officers ng ahensiya para masuri at lugar at ang gagamiting venue sa bubble.

"Due to the spike in the number of cases in some other parts of the country, we need to be extra careful this time, and we want to ask everyone's cooperation to avoid the spread of the virus inside the VisMin's bubble," sambit ng dating Palawan Governor at Congressman.

Ibinida naman ni VisMin Cup Chief Executive Rocky Chan na maglalagay ng Auto Disinfection Passage System sa entrance ng venue para masiguro ang kalusugan ng mga players, officials at personnel ng liga.

“To keep everyone really safe. Mahirap na, pero nagpapasalamat kami at sa pagbubukas ng liga zero Covid-19 cases pa rin ang Alcantara at puro negative din ang swab test ng lahat ng ating personnel. But after 14 days, swab ulit tayo as per IATF advised,” pahayag ni Chan.

Ipinahayag din ni Mitra ang pagbibigay ng Special Guest Licenses (SGL) sa apat na collegiate players na sina Jordan Sta. Ana, Rich Guinitaran, CJ Pamaran, at Shane Menina ng Arellano University upang makapaglaro sa liga.

“They will be permitted to play in a professional league as a guest player for a limited period,” ayon kay Mitra.

Bukod sa apat na maglalaro ngayon, kabilang din sa Visayas leg ang Tabogon Voyagers Cebu, Dumaguete Warriors, at ARQ Builders-Lapu Lapu City Heroes (Lapu-Lapu).

Sa Mindanao leg na magbubukas sa Labor Day (May 1) sa Zamboanga, sasabak ang Cagayan De Oro Rafters (Cagayan De Oro), Zamboanga Valientes (Zamboanga City), Pagadian Explorers (Pagadian), Sindangan Saints (Sindangan, Zamboanga del Norte), Roxas Vanguards (President Manuel A. Roxas, Zamboanga del Norte), Basilan Peace Riders (Lamitan, Basilan), Ozamis City Cotta, at Tawi-Tawi.