ni Fer Taboy
Nagbabala kahapon ang Philippine National Police (PNP) sa publiko hinggil sa paggamit ng mga pekeng Covid-19 test results.
Ito’y matapos maaresto ng PNP-Aviation Security Group ang nasa 15 indibidwal sa airport na peke ang kanilang confirmatory test results.
Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, ang mga nahuling indibidwal ay bibiyahe sana mula sa Manila na nasa ilalim ng ECQ ngayon at patungong Davao at Zamboanga City ang mga ito.
Ang mga inarestong indibidwal ay sasampahan ng kasong falsification of public documents at paglabag sa RA 11332 an Act providing policies and prescribing procedures on surveillance and response to notifiable diseases, epidemics, and health events of public health concern.
Ayon kay Sinas ang nasabing batas at may matinding penalties mula P50,000 at pagkakabilanggo ng hindi aabot sa isang buwan at hindi lalagpas sa anim na buwan dahil sa pamemeke ng RT-PCR test results.
Binigyang-diin ni Sinas na ang mga frontliners ay binubuwis ang kanilang buhay lalo na at hindi nakikita ang kalaban, kaya hiling pa nito sa publiko na makipag tulungan para labanan ang pagkalat pa ng nakamamatay na virus.