Ni Bert de Guzman

ISANG matatag na haligi ng pamamahayag ang yumao noong Lunes. Siya ay si Manila Bulletin editor-in-chief at publisher Crispulo Icban Jr. Siya ay naging press secretary rin noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Siya ay 85 taong gulang.

Hindi lamang ang mga miyembro ng media ang nagpahayag ng kalungkutan sa pagpanaw ni Jun, ang tawag sa kanya ng mga kasamahan sa journalism, kundi maging ang Malacanang. Nagpaabot ng pakikiramay at tribute sina Presidential spokesman Harry Roque Jr. at Communications Secretary Martin Andanar sa mahalagang kontribusyon ni Jun Icban sa larangan ng pamamahayag o journalism sa Pilipinas.

Ayon kay Andanar, malaki ang naging papel ni editor Icban sa paglusog at development ng Philippine journalism. “Rendering 47 years in Manila Bulletin, 18 years of which was spent as editor-in-chief, his works and presence have been a daily part of the lives of those in the industry and those who consume news and information,” ayon kay Andanar.

Sa personal kong karanasan, si Jun Icban na editor-in-chief ng Manila Bulletin at ako bilang reporter-columnist ng BALITA, ay malimit na magkasama sa mga kapihan, media forum at mga usapan tungkol sa mga isyung pambansa at lokal.

Kahit siya ay editor-publisher, itinuturing niya akong co-equal niya. Hindi siya naghihintay ng special treatment mula sa ordinaryong reporter-columnist ng pahayagang Balita. May mga pagkakataon noon na tinatanong niya ako kung saan kami magkakape o kaya'y may media forum na puwedeng puntahan.

Sa pagyao ni Jun, nais kong ipahayag ang pakikiramay sa kanyang pamilya. Tunay, isang haligi ng journalism ang nawala sa atin. Sige Jun, hanggang sa muli nating pagkakape. Makikipagkape muna ako sa ating mga kaibigan at kasama sa pamamahayag.

oOo

Maaari raw na nakapagpabagal sa higit na pagdami ng kaso ng COVID-19 ang ipinataw na isang linggong-Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR). Gayunman, hindi ito naging sapat sa pagdami pa ng mga impeksiyon ng virus na posibleng umabot sa isang milyong marka sa pagtatapos ng Abril.

Sinabi ni Dr. Guido David, OCTA fellow, ang ganitong projection ay inilagay na nila sa conservative estimate reproductive number na 1.2 hanggang 1.3 ng bagong COVID-19 cases sa NCR, nananatiling episentro ng coronavirus sa bansa.

"Kailangang tingnan natin kung gaano kabilis ito (reproductive number) sa pagbaba. Sa ngayon, ang trajectory ay nakikita natin na maaaring 1.3 o 1.2 sa pagtatapos ng linggo. Umaasa tayo na ito ay mag-iimprove. May mga indikasyon na ito ay bababa nang mas mabilis. Pero ito ay isa lang conservative estimate", ani David. Sana ay magkatotoo ang projection ng OCTA Research Group.

Habang sinusulat ko ito, halos 10,000 pa rin ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 noong Martes. Marami ang nagtatanong kung bakit patuloy sa pagdami ang bilang ng tinatamaan ng virus. May nagsasabing dahil sa kawalang-ingat ng ating mga kababayan na sundin ang health protocols samantalang sinasabi naman ng iba na ito ay bunsod ng kung anu-anong variants na dumadapo sa ‘Pinas.