Ni Mary Ann Santiago
Inirekomenda ng Vaccine Expert Panel (VEP) ang pagtuturok ng CoronaVac vaccine o mas kilala sa Sinovac sa mga senior citizen.
Ayon kay Dr. Nina Gloriani, pinuno ng vaccine panel, mayroong kaunting adverse effects ang CoronaVac, na batay sa datos ng trial, tulad ng masakit sa bahagi ng tinurukan, sakit ng ulo at maaring makaranas ng sintomas ng trangkaso.
Aniya, kahit sa China at Indonesia ay sinimulan nang gamitin ang CoronaVac sa senior citizens. Ang antibodies na napo-produce ng mga nakatatanda ay halos pareho lang ng antibodies na nalilikha ng may edad 18-59.
“Ang maganda doon sa datos na nakita namin ay nakakaprotekta rin siya sa mga matatanda na hindi sila nagkaroon ng severe COVID,” ani Gloriani sa Laging handa public briefing.
“Ang alam ko po ay maglalabas na rin soon ang FDA (Food and Drug Administration) ng announcement about this. Ang vaccine expert panel po ay nakapagrekomenda na na puwede siyang gamitin sa senior citizens,” aniya pa.
Inamin ni Gloriani na siya sa edad niyang 67, ay naturukan na ng dalawang doses ng Sinovac vaccine matapos lumagda sa isang waiver.
Isa pang inirerekomenda, aniya sa mga matatanda ang Sputnik V COVID-19 vaccine na gawa sa Russia.
Sa Pilipinas, ang AstraZeneca Covid-19 vaccines ang ginagamit sa pagbabakuna ng senior citizens ngunit naubos na ito, kaya’t natigil ang pagbabakuna sa mga senior citizen, na pangalawa sa prayoridad sa mass vaccination ng pamahalaan.