Ni Bert de Guzman
MAY mga nagtatanong kung higit daw bang makatwiran at matapang si Defense Secretary Delfin Lorenzana kaysa kay Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Pati ang dalawang kaibigan ko na laging kasama sa pag-inom ng kape kahit naka-ECQ (Enhanced Community Quarantine) ngayon ang Metro Manila at apat pang probinsiya, ay kinukulit ako ng: "Mas matapang ba si Lorenzana kesa kay Duterte?"
Ang ganitong katanungan ay hindi maiwasang itanong ng ilang mapanuri sa mga nangyayari sa mahal nating Pilipinas na sagana sa hirap at pighati bunsod ng pagdaong ng mahigit na 200 barko ng China sa Julian Felipe Reef na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Pinalalayas ni Sec. Lorenzana ang mga barkong-Tsina sa naturang lugar sapagkat "wala silang karapatan na manatili roon." Badya ni Lorenzana: "Hindi ako loko-loko. Ang panahon ay maganda at wala silang dahilan para manatili roon. Umalis na kayo riyan!"
Iginiit niya na maraming dapat ipaliwanag si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil naobserbahan ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na may 44 pang Chinese vessels ang nananatili sa Julian Felipe (Whitsun) Reef, na saklaw ng Manila’s 200-nautical mile Exclusive Economic Zone.
Ang 44 barko ay bahagi ng 220 bapor ng Beijing Maritime Militia na nakadaong sa Julian Felipe Reef na nairekord ng NTF-WPS. May mga report na may Chinese vessels pang nakakalat sa iba't ibang lugar sa Kalayaan Island Group, na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Palawan.
"Nais naming ulitin ang demand sa Chinese na lisanin ang aming sovereign territories at tumalima sa international law,” ayon kay Lorenzana. Tanong ng dalawang kaibigan: "Ang ganito bang pahayag at aksiyon ni Sec. Lorenzana ay kayang bigkasin ng ating Pangulo"? Aba, ewan kung hindi na naman siya kikibo.
Ikinakatwiran ng China na ang mga barkong nasa Julian Felipe Reef, kilala sa bilang Niué Jiao sa kanila, ay nakikisilong lang dahil daw sa masamang panahon sa karagatan. Iginiit din ng China na normal lang na sila ay naroroon sapagkat ito ay sakop nila. Sabi nga ni Lorenzana na hindi siya sira-ulo para hindi malamang hindi naman masungit ang panahon sa dagat.
Noong 2016, idineklara ng Hague-based tribunal ang pagbasura sa sweeping claims ng dambuhalang nasyon sa halos kabuuan ng South China Sea, subalit patuloy na binabalewala ng Beijing ang desisyon ng Arbitral Tribunal.
Samantala, sinabi ng Malacañang na ipinaalam ni PRRD ang isyung ito sa Chinese Ambassador. Si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ay nagpadala ng diplomatic protest sa Beijing. Pangungulit ng dalawang kaibigan: "Ganoon lang ba ang ginawa ng Pangulo? Hindi niya sinabihan ang Chinese Ambassador na paalisin ang mga barko sa West Philippine Sea"?
Nagpahayag ng suporta ang world powers, gaya ng United States, European Union, Australia, Japan, United Kingdom, Canada at New Zealand, sa Pilipinas at tinawagan ang China na tumalima sa rules-based order alinsunod sa international law, kabilang ang Convention on the Law of the Sea.
Anyway, kahit papaano may ilang opisyal ng gobyerno ang may lakas ng loob na palayasin ang mga barko ng China sa ating EEZ, tulad ni Lorenzana, kesa hindi na naman kikibo dahil takot daw makipaggiyera sa higanteng bansa. Eh sino ba ang gustong makipagdigmaan? Wala. Ipaalam lang natin na mali ang ginagawa ng bansa ni Pres. Xi Jinping!