Ni Mary Ann Santiago
Bahagyang bumuti ang kalagayan ni dating Pang. Joseph ‘Erap’ Estrada, bagamat nananatili pa rin itong nasa intensive care unit (ICU) at naka-mechanical ventilation.
Ayon kay dating Senador Jinggoy Estrada, nasa stable na ngayong kondisyon ang kanyang 83-anyos na ama at normal na rin ang mga vital signs nito.
Sinabi ni Jinggoy na bahagyang humusay ang kalagayan ng ama matapos na mailagay ito sa mechanical ventilation dahil sa pneumonia.
“Nag-improve naman po nang bahagya,” ani Jinggoy, sa isang panayam sa telebisyon.
Aniya pa, sa ngayon ay nananatili ring naka-sedate ang ama upang mabawasan ang pagkabalisa nito na maaari umanong makaapekto sa kanyang puso.
Nabatid na nagtanong na rin umano si Jinggoy hinggil sa paggamit ng Ivermectin para sa kanyang ama ngunit hindi umano siya pinayagan ng mga doktor.
“Tinanong ko kung puwede bigyan ng ivermectin, tinanggihan ako ng doctor,” aniya pa.
Una nang sinabi ni Jinggoy nitong Martes na kinailangang ilipat sa ICU si Erap matapos na lumala ang karamdaman nito at malaunan ay nilagyan na ng mechanical ventilation nang lumala rin ang kanyang pneumonia upang mapahusay ang delivery ng oxygen at upang hindi mapagod ang kanyang respiratory mechanism.
Marso 29 nang unang ianunsiyo ni Jinggoy na nagpositibo sa COVID-19 ang ama ang kinailangang isugod sa pagamutan matapos na makitaan ng hirap sa paghinga at panghihina.
Maaari aniyang nakuha ng ama ang virus mula sa mga naging bisita nito.
Maging ang asawa naman ni Jinggoy na si Precy ay positibo rin sa COVID-19 ngunit asymptomatic ito at kasalukuyan nang nasa isolation habang sumailalim rin ang dating senador sa swab test ngunit nagnegatibo naman.