ni Bella Gamotea
Tatlong drug suspect ang napasakamay ng awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa isang sementeryo sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Richard Enriquez, alyas Pekto, 32; Rex Guial, alyas Bibi, 36, at Emmanuel Cecilio, alyas Boknoy, 28, pawang nakatira sa Pasay City.
Ayon sa imbestigasyon ni SSg Billy John Velasquez, may hawak ng kaso, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Maj. Cecilio Tomas Jr. laban kay alyas Pekto sa No. 400 Sarhento Mariano sa loob ng Pasay Public Cemetery, Barangay 148, Zone 16, sa Pasay City, na ikinaaresto ng mga suspek dakong 10:30 ng gabi.
Nakumpiska sa mga suspek ang 14 pakete ng hinihinalang shabu na 8.05 gramo na nagkakahalaga ng P54,740; digital weighing scale; coin purse; at P500 buy-bust money.
Dinala ang mga narekober na ebidensiya sa SPD Crime Laboratory para sa chemical analysis.
Nakakulong ang tatlong suspek sa SDET Custodial Facility para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay Prosecutor’s Office.