NALAGAY sa balag ng alanganin ang planong pagdaraos ng Philippine Basketball Association (PBA) ng kanilang 2021 season matapos ang naging desisyon ng gobyerno na palawigin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at ilang karatig lalawigan.

Inamin ni PBA commissioner Willie Marcial na nabitin ang plano ng pro league para sa susunod nilang season matapos ang biglang paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa sa nakaraang tatlong linggo.

"Wala kaming magawa kundi sumunod sa ipinag-uutos ng gobyerno. Lalo na ngayon na extend pa yung ECQ."

Nauna ng inihayag ni PBA chairman Ricky Vargas ang plano ng liga na magdaos ng 10-month, 2-conference season ngayong taon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa orihinal na plano, dapat magsisimula ang 2021 season sa Abril 11, na naurong ng Abril 18 nang magsimulang tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kalagitnaan ng Marso.

Nauna ng inaprubahan ng board ang pagdaraos ng apat na buwang Philippine Cup at anim buwan na Governors' Cup sa taong ito.

Ngunit, hindi na rin matutuloy ang opening na itinakda sa Abril 18.

At hindi sila makapagbigay ng panibagong petsa kung kailan mauumpisahan ang 2021 season dahil sa kasalukuyang sitwasyon.

Ang pagdaraos ng panibagong bubble na gaya ng ginawa nila noong nakaraang taon ay hindi rin puwedeng isagawa ulit dahil marami silang dapat na ikunsidera sa pagkakataong ito. Kabilang na rito ang mental health ng mga players.

"Yung dalawang buwang bubble okay pa para sa mga players, pero yung 4 months? Medyo mahaba-haba yun."

Gayunpaman, umaasa silang maitutuloy ng liga ang plano nilang pagdaraos ng dalawang conference ngayong taon.

"It (ECQ) will delay our plans to open this season but this is beyond our control." pahayag ni Alaska team governor Richard Bachman. "Safety of everyone is our no. 1 concern. Hopefully, we would still be able to squeeze in one to two conferences this year." Marivic Awitan