ni Mary Ann Santiago

Maaari na umanong gamutin na lamang kanilang mga bahay ang mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na may mild symptoms dahil halos puno na ang mga paganutan.

“Ang panawagan, 'yung mga mild infections huwag na dalhin sa hospital. Doon na lang sa bahay i-isolate ninyo if there are rooms na puwedeng i-isolate na mayroong ganoong karamdaman,” ayon kay infectious disease specialist Dr. Rontgene Solante, ng San Lazaro Hospital.

Sinabi ni Solante na ang mga pasyente na may ubo at lagnat, na walang kasamang hingal, ay maaaring gamutin sa bahay, sa pamamagitan nang pag-inom ng tubig, pagkain ng masusustansiyang pagkain at pagbibigay ng akmang gamot.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

Dapat aniyang i-monitor ang mga ito at kung nababahala sa lagnat ay maaari itong bigyan ng paracetamol.

“Kapag mild, ubo lang, lagnat tapos walang hingal, tingnan mo kung walang hingal kasi ibig sabihin puwede na lang sa bahay. Bigyan ng eksaktong fluid rehydration, pag-inom ng tubig, pagkain at obserbahan at mino-monitor. Kung nababahala sa lagnat, bigyan ng paracetamol,” ani Solante.

Kung makikita aniyang nahihirapan nang huminga ang pasyente ay kinakailangan na nito ng professional assistance.

Paliwanag niya, ang mga pasyente naman na malala ang karamdaman ay kailangan nang dalhin sa mga pagamutan dahil kakailanganin ng mga ito ng mechanical ventilators.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Solante na kinakailangan nila ngayon na mai-reallocate ang kanilang COVID-19 bed capacity sa San Lazaro Hospital dahil sila ay overwhelmed na ng mga pasyente.