Ni Liezle Basa Inigo
Pitong katao ang dinakip ng mga otoridad dahil sa pagbiyahe ng “hot meat” sa isang checkpoint sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Batay sa report ng PNP Gonzaga, bandang 2:30 ng umaga ng Miyerkules habang nagsasagawa ng IATF checkpoint sa Barangay Cabanbanan Sur ng nasabing bayan nang harangin ang sasakyan ng pitong suspek nasakay ng Toyota Hilux at Ford Ranger wild track na may lamang bulto bultong “hot meat” at walang maipakitang dokumento .
Ang mga nakumpiskang kargamento ay ibinaon na sa lupa para hindi na mapakinabangan pa.
Nanawagan naman si NMIS Regional Technical Director, Dr. Ronnie Ernst A Duque na maging mapanuri sa pagbili ng mga karne ng mga hayop na ibinebenta sa palengke.
Aniya, hangad ng National Meat Inspection Service (NMIS) na matiyak na ligtas kainin ang mga pumapasok na karne sa Region 2 kung kayat lalo pa nilang hinihigpitan ang pagpapatupad sa Republic Act 9296 o ang meat inspection CODE of the Philippines na inamyendahan ng RA 10536.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9296.