IPINAHAYAG ni Armed Forces of the Philippines(AFP) Chief of staff Gen. Cirilito Sobejana nitong Biyernes na hindi patitinag ang militar sa ginagawa ng China.

Sinabi ni Sobejana ,na regular ang isinasagawang air and naval patrols sa West Philippine Sea para matiyak na walang nagaganap na pang-aabuso at mapanatili ang maritime situational awareness.

Tiniyak pa ng AFP na poprotektahan ang soberenya ng bansa sa gitna nang pagkakadiskubre sa daan-daang mga bangka at barko na nakahimpil sa mga bahur ana sakop ng bansa sa West Philippine Sea.

Katunayan, nagsagawa ng radio challenge ang Chinese authorities sa Philippine Air Force (PAF) aircraft ng lumipad nitong Martes sa West Phl Sea para magsagawa ng maritime patrol lalo na sa Julian Felipe Reef.

ALAMIN: Listahan ng mga holiday para sa 2025

Ayon kay AFP Spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, sa kabila ng radio challenge, hindi nagpatinag ang mga piloto at sinagot ito na nagsasagawa sila ng routine maritime patrol sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Arevalo hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginawa ng China ang naturang aksyon.

Aniya, ang ginawang maritime patrol ay isang constitutional mandate ng AFP para protektahan at idepensa sovereign rights ng Pilipinas.

Tiniyak naman ni Arevalo na lalo pang palalakasin at paiigtingin ng AFP ang kanilang misyon at hindi ito tatalikod sa pagpapatupad sa kanilang mandato at commitment na protektahan ang teritoryo ng bansa.

Katuwang ng AFP ang Phil Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at iba pang ahensiya ng gobyerno na bumubuo sa NTF on West Philippine Sea.

Batay sa isinagawang maritime patrol noong Martes March 30,2021, nabawasan sa 44 ang Chinese vessels na naka angkla sa Julian Felipe Reef amula sa dating bilang na 183.

Nilisan man ng ibang Chinese Maritime Militia ang Julian Felipe Reef, may namataan naman na 92 CMM vessels sa Chigua Reef at 84 naman sa Gaven Reef. Sinabi ni Arevalo hindi nila makumpirma kung mga nasabing barko ay bahagi ng 183 CMM na unang namataan sa Julian Felipe Reef.

Namataan din ang apat na People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels ang nasa Panganiban Reef.

Muling nanawagan ang NTF-WPS sa China, na alisin sa EEZ ng Pilipinas ang kanilang Chinese Maritime Militia dahil bukod sa paglabag sa mga karapatan ng Pilipinas, ang presensiya ng maraming barko sa bahagi ng karagatan ay panganib sa nabigasyon at possibleng nakakasira sa kalikasan. Fer Taboy