ni Light A. Nolasco
LAUR, Nueva Ecija— Pansamantalang ipinasara ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong panahon ng Mahal Na Araw ang lahat ng mga resorts, at amusement carnivals sa bayan ng Laur at Gabaldon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa probinsya.
Iniutos ng NE-IATF ang pansamantalang pagpapasara sa nasabing lugar sa Bgy. Nauzon, Laur, NE na nag-o-operate sa Bato Ferry River sa Bgy. San Juan at Dupinga River sa bayan ng Gabaldon.
Inatasan din ni NEPPO Director Col. Jaime Santos ang lahat ng chief of police na mag-inspeksyon sa lahat ng amusement parks at resorts para masiguro na walang mass gathering na nagaganap sa mga lugar.
Nitong Lunes, nagsagawa na ng disinfection ang Disaster Risk Reduction & Management 0ffice sa Bgy. San Lorenzo, Gapan City, dahil sa umano'y biglang paglobo ng COVID-19 cases.
Maging si Gov. Aurelio "0yie" Matias Umali ay naalarma rin sa paglobo ng kaso ng virus sa limang lungsod at 27 bayan na binubuo ng 849 barangay at mahigpit na pinaalalahanan ang mga residente na maging disiplinado at palaging magsuot ng face mask at face shield at umiwas sa matataong lugar.
Pinaiiral na rin ang unified curfew hours at liqour ban partikular sa mga pampublikong lugar.