Ni BERT DE GUZMAN

KUNG ang Department of Health (DoH) ang masusunod, nais nitong palawigin pa ng isang linggo ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at apat pang probinsiya upang mapabagal ang pagdagsa at pagsipa ng COVID-19 cases.

Sa isang panayam noong Martes sa isang TV network, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang isang linggong ECQ sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna— kilala bilang NCR Plus— ay masyadong maigsi upang makita o malaman ang mga epekto ng coronovirus.

“Maikli ang isang linggo. Inirekomenda namin ang ekstensiyon. Gayunman, kailangan nating balansehin ito sa ekonomiya kaya kailangan natin ang sapat na basehan para magkaroon ng extension," ayon kay Vergeire.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Noong Lunes, ang Pilipinas ay nakapagtala ng 10,016 bagong COVID-19 infections, pinakamataas sapul nang sumulpot ang pandemya, kung kaya ang kabuuan ay naging 731,894. Sa bilang na ito, 15.8% o 115,495 ang aktibong mga kaso.

Ipinaliwanag ni Vergeire na ang pinaka-ideal na "strictest form of lockdown" ay dapat na tumagal nang dalawang linggo upang makita ang mga epekto ng mga interbensiyon na ginawa sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 at maging sa health system ng bansa.

Habang sinusulat ko ito, wala pang pinal na desisyon tungkol sa rekomendasyon ng DOH sa pagpapalawig sapagkat ang assessment sa progreso bago magwakas ang ECQ ay sa Linggo ng Pagkabuhay pa o Abril 4. “Susuriin muna namin bago matapos ang linggong ito upang malaman kung kailangan pang palawigin ito o dapat lang ang stricter restrictions, pero aalisin na ang ECQ" badya ni Vergeire.

Una rito, sinabi niya na ang aktibong mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay baka umabot sa 430,000 sa pagtatapos ng Abril kung ang estriktong quarantine measure ay hindi ipinatupad sa NCR Plus bubble.

Noong Lunes, inanunsiyo ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ang lalawigan ng Quirino ay ibabalik sa Modified ECQ mula Abril 1 hanggang 15 samantalang ang Santiago City sa Isabela ay isasailalim sa MECQ sa loob ng isang buwan.

Ang buong Cordillera Administrative Region, Cagayan, Isabela, Batangas, Lanao del Sur at ang mga lungsod ng Tacloban sa Leyte, Iligan sa Lanao del Norte, Davao sa Davao del Sur, ay ilalagay sa General Community Quarantine (GCQ). Ang nalalabing mga lugar sa bansa ay nasa ilalim ng Modified GCQ, ang pinakamababang quarantine classification ng pamahalaan.

Batay sa mga ulat, may 127 milyon na ang kaso ng COVID-19 sa buong mundo, may 2.7 milyon ang nangamatay at waring patuloy pa ang pananalasa ng virus na itong hanggang ngayon ay kung bakit hindi masugpo o makontrol ng mga dalubhasang manggagamot sa kalusugan at scientist.