ni Nitz Miralles
KABILANG sa nagpahayag ng kalungkutan sa pagpanaw ng OPM Icon na si Claire dela Fuente ay ang mga kasabayan niyang singers na sina Imelda Papin at Eva Eugenio. Silang tatlo ang binansagang “Jukebox Queens” na sumikat noong 70s.
Mangiyak-ngiyak si Imelda habang ini-interview ng kaibigan niyang si Manny Balane at sabi, “Shocking ang news na ito para sa akin para malaman ko ang aking kumare, ang aking kaibigan, ang aking parang kapatid sa hanapbuhay ay mawala.”
Ayon pa kay Imelda, hindi niya inakala na si Claire ay maagang mawawala dahil sa kanilang tatlo ni Eva, si Claire ang pinakamalakas ang loob. Kaya nang may tumawag sa kanya para ibalita ang nangyari kay Claire, nagulat siya.
“I was really shocked dahil parang malayo sa aking imagination. Siya, si Eva, at ako, s’ya ang pinakamalakas ang loob. Kaya hindi ko akalain na isang malakas na katawan tatamaan ng Covid.”
“Mare, I’ll miss you. I want you to know that we’re here. We love you, especially ‘yong inaanak mo, si Maffi. Until now I’m really shocked dahil hindi ko akalain na iwanan mo na kami.”
“Isa na naman ang nawala sa ating industriya. Isang legend pag dating sa music industry na nagbigay sa inyo, sa lahat sa atin ng kasiyahan.”
Dagdag pa ni Imelda, “Mare, wherever you are, dalhin mo ang aming pagmamahal ng pamilya ko, ng pagmamaha ng anak kong si Maffi, ng iyong mga anak na naiwan mo, at siyempre, ‘yong mga nagmamahal sa’yo, ang buong Pilipinas. God bless your soul. We love you. We’ll miss you, mare.”
Ayon sa anak ni Clainre na si Gregorio “Gigo” de Guzman, cardiac arrest ang sanhi ng pagkamatay ng ina na dulot ng anxiety, hypertension, at diabetes na pinalala pa nang mag-positive sa COVID-19.