SA gabi ng Huwebes Santo, sa Huling Hapunan, inihayag ni Hesus Kristo ang isang utos sa kanyang mga disipulo, “Mahalin niyo ang isa’t isa,” kasunod nito, hinugasan Niya ang kanilang mga paa bilang gawi ng pagpapakumbaba at kabaitan. Kaya naman, tinatawag din itong Maundy Thursday, na nagmula sa salitang Latin na “command.”
Sa paggunita ng bansa sa ikalawang Huwebes Santo, sa gitna ng nagpapatuloy nacoronavirus pandemic, ang komemorasyon ng Huling Hapunan ay maikukumpara sa malupit na reyalidad ng kasalukuyan: laganap na kagutuman sa milyon-milyong pamilyang Pilipino na nadurusa sanhi ng malawakang pagkawala ng trabaho at kabuhayan.
Noong Setyembre 2020, lumabas sa resulta ng isang Social Weather Stations (SWS) survey, na 30 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng kagutuman, o 22 beses na mas mataas kumpara sa tala noong Disyembre 2019, bago ang pandemya, na 8.8 porsiyento. Ang tala para sa buong taon ng 2020 ay bumagsak ng 21 porsiyento dulot ng bahagyang pagbubukas ng ekonomiya.
Sa pahayag ng lider ng isang non-governmental organization na nakatuon laban sa kagutuman, “Everybody will tell you that they’re more afraid of dying from hunger than dying from COVID. They don’t care about COVID anymore.”
Bukod sa Huling Hapunan, isa pang kaganapan na nagmamarka sa Huwebes Santo ang nagbibigay sa sangkatauhan ng pinakamahalagang aral. Matapos ang hapunan, dala isang palanggana ng tubig at ang tela na nakatali sa kanyang baywang, lumuhod si Kristo sa paanan ng bawat disipulo, hinugasan ang kanilang paa at pinunasan upang matuyo.
Lahat ng daan sa Jerusalem at loob ng lungsod ay maalikabok at dahil kalimitang naglalakbay ang mga tao sa pamamagitan ng paglalakad, paa ang kadalasang pinakamaruming bahagi ng kanilang katawan.
Ang paglilinis ng paa ay tungkulin ng isang katiwala sa bahay. Kaya mauunawaan, kung bakit mariing tumutol si Pedro at iginiit na siya dapat ang maghugas ng paa ng Panginoon. Ngunit tinanggihan ito ni Hesus at itinuloy ang paghuhugas ng kanyang mga paa.
Lumulutang ang ganap na kahulugan ng gawing ito ng pagpapakumbaba. Ang paghuhugas ng paa ay isang metapora para sa pag-aalis ng kasalanan. Maliban kung malinis ang kanilang mga pagkakasala, hindi sila makapaghahangad na manahin ang kaharian ng Diyos. Ang mensahe ng pagsisisi at pagpapatawad ay nasa ubod ng mga aral ni Hesus—mga aral na ipinarating kasama ang lubusang pagpapakumbaba.
Sa pagpapamalas ng pagpapakumbaba, ipinakita ni Kristo ang kapangyarihan ng servant leadership: “Whoever wants to become great among you must be your servant.”
Sa Islam, ang dalawang pangunahing tungkulin ng isang lider ay ang maging servant-leader at guardian-leader na tumitingin sa kapakanan at gumagabay sa kanila tungo sa mga mabuting gawa. Binigyang-diin ni Prophet Muhammad sa Hadīth, isang tala ng tradisyong Islam na: “Every one of you is a shepherd and everyone is responsible for what he is shepherd of.”
Marahil, ang kasalukuyang problema ng pamamahala ay mas epektibong matutugunan ng mga servant-leaders, na bukod sa nagtataglay ng karunungan at tapang ng loob, ay mapagkumbaba at mapagtiyaga rin. Batid ang kanyang kapangyarihan na hawak, at ginagamit ito kasama ng malalim na diwa ng pagpapakumbaba at responsibilidad.