ni Mary Ann Santiago
Upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro, mag-aaral, at kawani, naglabas ang Department of Education (DepEd) ng ilang mga ispesipikong panuto at paalala sa mga paaralan at mga field office hinggil sa isinasagawa nilang early registration sa public schools at iba pang kaugnay na gawain nito, para sa School Year 2021-2022.
Batay sa memorandum na ipinadala ng DepEd, pinaalalahanan nito ang mga opisyal at pinuno ng mga paaralan at mga field office na gamitin ang mga online platform at mga drop box sa isinasagawa nilang remote early registration mula Marso 26 hanggang Abril 30, 2021.
“Similar to the previous year, early registration forms will be available in barangay halls and other public spaces. An early registration drop-box will be made available for parents or guardians to collect and submit the forms in these identified places,” ayon kay Undersecretary for Planning and Human Resource and Organizational Development Jesus Mateo.
Anang DepEd, pinahihintulutan lamang ang in-person early registration sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MGCQ) hangga’t nasusunod ang mga safety protocol.
Gayunpaman, pinapayagan ang mga Schools Division Superintendent (SDS) na magpatupad ng full remote early registration kahit sa mga lugar sa ilalim ng MGCQ depende sa kasalukuyang risk assessment level ng lugar.
“Only parents or guardians are permitted to transact within the school premises for early registration purposes,” dagdag ni Mateo.
Sinabi pa ni Mateo na ang mga regional at division office ay dapat na magtatag ng mga hotline para sa technical assistance sa mga paaralan ukol sa mga polisiya at iba pang mga bagay kaugnay nito.
Samantala, hinihimok din ng DepEd ang mga paaralan na magtatag ng mga hotline at magbigay ng kanilang opisyal na mga contact details sa publiko para sa pagsagot ng mga tanong at iba pang bagay kaugnay ng early registration.
Pinaalalahanan din ng DepEd ang mga paaralan sa mahigpit na pagpapatupad ng cut-off age sa Kindergarten, partikular na sa mga paaralang magsisimula ng school year sa Agosto, ang mga mag-aaral sa Kindergarten ay marapat na limang (5) taong gulang sa Agosto 31, at ang extension period ay hanggang Oktubre 31 lamang.
Inilaan ng Deped ang isang buwang aktibidad upang matiyak na ang mga papasok na Kindergarten, Grades 1, 7, at 11 sa pampublikong elementarya at sekondaryang mga paaralan ay makapagrerehistro para sa susunod na school year at matulungan ang Kagawaran na makapaghanda sa posibleng mga isyu at iba pang bagay na lilitaw, sang-ayon sa itinakda sa DepEd Order Blg. 3, s. 2018, o ang Basic Education Enrollment policy.
Anang DepEd, ang mga mag-aaral sa Grades 2-6, 8-10, at 12 naman ay ikinukonsiderang pre-registered at hindi na nangangailangan pang makilahok sa early registration.