Ni Edwin Rollon

INABISUHAN ng Games and Amusements Board (GAB) ang mga organizers, liga at mga atletang propesyunal na manatili sa kanilang mga tahanan at iwasan muna ang face-to-face training at anumang paglahok sa torneo, higit sa mga lugar na muling ipinapatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa paalala na inilabas ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra,na may petsang Marso 27 at inilahad sa Facebook page ng ahensiya, iginiit ang pagbabawal sa atleta na magsagawa ng pagsasanay at makilahok sa mga torneo simula sa Marso 29 hanggang Abril 4.

Ang abiso ng GAB ay pagtalima sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na muling magpatupad ng ECQ sa buong Kamaynilaan at karatig lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal matapos ang muling pagsirit ng bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus COVID-19.

Trending

Girlfriend, kinamuhian ng jowa dahil aksidenteng nalabhan ang relo nito

MITRA: Kalusugan ang prioridad ng GAB.

“As always, ang priority po natin sa GAB ay ang seguridad at kalusugan ng ating mga atleta at mga indibidwal na nasa pangangasiwa ng GAB. Mataas po ang bilang ng kaso ng COVID-19 kung kaya’t makabubuting manatili na muna tayo at sa bahay na lang magensayo muna,” pahayag ni Mitra.

“Hindi po biro ang COVID-19, hindi po tayo nakasisiguro na makakaiwas tayo kung kaya’t doble o triple ang pag-iingat,” sambit ni Mitra, na napabilang sa numero ng Pinoy na nagpositibo sa COVID-19.

“Mahirap po ang magkasakit. Ako po ay nagpositibo rin at talagang sakripisyo ang pansamantalang malayo sa pamilya. Maayos na po ang kalagayan ko at pasalamat po tayo sa Panginoon,” aniya.

Kasama rin sa pansamantalang ipinatigil ng GAB ang anumang bubble training, gayundin ang pagsasanay sa labas kahit nag-iisa tulad ng running, biking at aerobics.

Kabilang sa apektado ng kautusan ang isinasagawang bubble training ng Philippine Volleyball League (PVL) na nakatakdang magdebut bilang professional league ngayong buwan. Nagpahayag na rin ang Philippine Basketball Association (PBA) sa planong iurong ang nakatakdang conference opening.

Iginiit din ni Mitra na walang dapat ipagamba ang mga atleta at indibidwal na paso na ang mga lisensiya dahil pinalawig ng ahensiya hanggang sa Setyembre 21, 2021 at proseso sa renewal na walang multa.

“Kaya wala pong dapat ipagamba, manatili muna tayo sa bahay at huwag nang problemahin ang napasong lisensya, tatanggapin po naming yan na walang kaukulang multa,” sambit ng dating Palawan Governor at Congressman.