ni Marivic Awitan
TARGET ng apat na Pinoy windsurfers na maabilang sa maigsing listahan na kwalipikado sa Tokyo Olympics, sa kanilang pagsabak sa 2021 Mussanah Open Championship – isa sa Olympic qualifying meet – na nakatajda sa Abril 1-8 sa Oman.
Hahataw para sa minimithing slots sina 2-time RS One world champion Geylord Coveta, 2019 Southeast Asian Games gold medalist Yancy Kaibigan at Renz Angelo Amboy na sasabak sa nakalaang nag-iisang Olympic slot sa RSX Male event.
Ang 2019 SEA Games silver medalist namang si Charizzanne Jewel Napa ay isa sa apat na babaeng windsurfers na mag-aagawan sa nag-iisa ring nakatayang Olympic berth sa RSX Female event. Ang tatlo pa niyang makakatunggali ay buhat sa Indonesia, Singapore at Algeria.
Ayon kay Philippine windsurfing team head coach Raul Lazo, ipinagpapasalamat nila na naimbita ang apat Pinoy na lumahok sa naturang Olympic qualifier kahit na wala silang nasalihang anumang kompetisyon dahil sa COVID- 19 pandemic.
Kaugnay nito, kumpiyansa naman si Lazo sa tsansa ng mga Filipino windsurfers na ilang buwan ding nagtiyagang magsanay sa isang resort sa Mabini, Batangas kahit may pandemya. “We’re thankful for the local government of Mabini for being cooperative for the training of our athletes. As early as last year, we’re preparing already amid the pandemic,” pahayag ni Lazo.
Tatangkain ng apat na masundan ang ginawa ni Richard Paz na nag qualify at nakalaro noong 1988 at 1992 sa Olympic windsurfing competitions.