ni Ric Valmonte
“TUTOL ang gobyerno sa national lockdown, pero ang kailan lamang na pagkalat ng sakit ay nangangahulugan na ang pagbangon ng ekonomiya ay mauudlot hanggang sa kalagitnaan ng 2021,” ayon sa research company na Moody Analytics sa kanyang ulat nitong nakaraang Huwebes. Kaugnay ito sa hindi mapigilang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 na hinigitan pa ang naganap noong nakaraang taon na pumalo sa napakataas na bilang. Kasi, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na iniwasan ng pamahalaan ang magpairal ng mas mahigipit na quarantine regulations sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Ang mahalaga, aniya, ay bukas ang ekonomiya upang hindi magutom ang mamamayan. “Pero magpapatuloy ang paglaganap ng pandemya sa mga darating pang mga araw dahil limitado ang nagagamit na bakuna,” wika ni economist Katrina Ell ng Moody Analytics.
Hindi naman maitatatwa ito dahil ito talaga ang nangyayari. Sa huling pagharap ni Pangulong Duterte sa mamamayan, inamin niya na hindi pa bumili ng bakuna ang gobyerno. Nasabi niya ito sa kanyang pagnanais na pabulaanan na may korupsyong nagaganap kaugnay ng mga itinuturok nang bakuna. Kung bibili ang gobyerno, aniya, na gamit ang inutang sa mga bangko, walang matatanganang pera ang sinuman. Ang mga bangko ang diretsong magbabayad sa pinagbilihan ng bakuna. Kaya, ang mga lumalaganap na bakuna at itinuturok na sa mga prayoridad na mamamayan ay ang donasyon ng China na Sinovac. Ang AstraZeneca naman ay galing sa mga ibang bansa na ipinamamahagi sa mga mahirap na bansa, tulad ng Pilipinas, ayon sa patakaran ng World Health Organization na magkaroon ang lahat ng mga bansa ng bakuna. Ganoon pa man, mayroon man tayong bakunang Sinovac at AstraZeneca, kulang na kulang ang mga ito upang masawata o mapigil ang pagkalat ng sakit. Hindi makaagwanta ang mga ito sa dapat na rapid mass vaccination.
“Sa mga bansang hindi makontrol ang COVID-19, tulad ng Pilipinas at Indonesia, ang prayoridad ay mabilisang pagbakuna upang mapababa ang mga namamatay at maging maluwag para sa mga health system,” ayon sa World Bank. Pero, napuna rin nito, ang pagtaas ng pagkahawa-hawa ng sakit sa Pilipinas at ito ay nahuhuli sa mass vaccination sa rehiyon, at may pagkabahala hinggil sa bisa at ligtas na bakuna.
Dahil hindi masawata ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit, bumalik uli ang gobyerno sa tangi niyang alam at kayang remedyo - ang higit na mahigpit na quarantine at pagkalat ng mga pulis at sundalo upang mapairal ito. Paano makababangon ang ekonomiya ng bansa gayong, ayon sa World Bank, nakadepende ito sa matagumpay na vaccination program at pagluluwag ng limitasyon sa paggalaw. Mula’t sapul, walang programa ang administrasyong Duterte sa pagbaka ng pandemya. Nakadrawing pa hanggang ngayon ang kanyang programa sa bakuna.