ni Bert de Guzman
HINILING ng Pilipinas sa China na alisin ang mga barko nila na nasa Julian Felipe (Whitsun) Reef sapagkat ang pananatili ng Chinese maritime vessels doon ay “tahasang paglabag sa soberanya ng Pilipinas, sovereign rights at jurisdiction.”
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabihan ng ating bansa ang dambuhalang nasyon sa agarang withdrawal ng mga fishing vessel at maritime assets nito sa bisinidad ng karagatan ng Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea para maiwasan ang pagkasira ng kapaligiran at likas na yaman ng Pilipinas.
Binanggit ng DFA na ang Julian Felipe Reef sa Kalayaan Group Islands ay saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. “We reiterate that the continued deployment, lingering presence and activities of Chinese vessels in Philippine maritime zones blatantly infringe upon PH sovereignty, sovereign rights and jurisdiction.”
Samantala, sinabi ng United States embassy na kaisa nito ang Pilipinas sa pagsalungat sa presensiya ng 220 barko ng Chinese maritime militia vessel sa naturang reef. “We stand with the Philippines, our oldest treaty ally in US.”
Nanawagan ang mga mambabatas, partikular ang mga senador, sa pagbalasa at pagpapalawak ng membership ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) upang maisama ang mga kinatawan mula sa pribadong sektor sa harap ng pagsipa ng kaso ng COVID-19 at pangungulelat ng Pilipinas sa vaccination program.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralp Recto, na kailangan ng IATF na “mag-change oil at mag-change na rin ng makina at driver.” Ibig sabihin, buwagin o palitan ang mga opisyal at miyembro ng IATF. “Kung talagang kailangan ang reinforcement sa IATF, hindi dapat ang mga MDs--o mga military dati-- sapagkat ang sektor na ito ay nakatapos na sa kanilang quota.”
Maging ang nakararaming Pinoy ay naniniwalang ang dapat na ilagay sa IATF ay mga eksperto sa kalusugan, mga doktor at bihasa sa larangan ng medisina at hindi dating mga heneral ng Armed Forces of the Philippines o kaya’y ng Philippine National Police.
Batay sa pinakahuling COVID-19 tally ng mga kaso sa bansa nitong Marso 23, ang kabuuang kaso sa buong bansa ay 677,653 na, ang bagong kaso ay naging 5,867 mula sa dating 8,019 samantalang ang mga namatay ay umabot na sa 12,992. Ang gumaling ay nasa 578,461 at ang mga aktibong kaso ay 86,200.
Kung hindi mag-iingat ang ating mga kababayan at mananatiling pasaway at kalmante, sinabi ng UP OCTA Research Group na baka sumipa sa 10,000-11,000 kada araw ang tatamaan ng virus.
Mabuti na lang at hinigpitan ngayon ng gobyerno ang pagpapairal ng mga kautusan, alituntunin at pagpasara sa mga establisimyento para masawata ang pagragasa ng coronavirus sa maraming panig ng bansa, partikular sa Metro Manila.