Ni DANNY ESTACIO
CAMP NAKAR, Quezon — Sinibak sa puwesto ang isang hepe ng pulisya makaraang ireklamo ng sexual harassment ng isang tauhang policewoman, nitong Biyernes.
Si Police Major Maj. Rizaldy Merene, hepe ng Lucban Municipal Police Station, ay kinasuhan ng administratibo kasunod nang utos ni Quezon Provincial Police director Col. Ericson Dilag, na alisin ito sa puwesto.
Inireklamo si Merene ng kanyang tauhan na dinala umano nito sa isang motel sa Tayabas City, nitong Marso 25 ng gabi.
Hindi ibinunyag ang pagkakakilanlan ng biktima na nakatalaga sa nasabing presinto.
Si Merene ay itinalaga sa Quezon Provincial Holding and Accounting Section (PHAS) at pinalitan na ito ni Major Lauro Moratillo.
Ang sexual harrassment complaint ay isinampa na sa city prosecutor’s office sa Tayabas, ayon pa sa ulat.