ni Marivic Awitan
NAGDAGDAG ng isa pang gold medal sa kanyang koleksiyon si world no. 1 e-kata athlete James de los Santos makaraang sungkitin ang kanyang pang labing-isang gold ngayong taon.
Matapos magwagi ng Filipino karateka ng kanyang ika-10 gold nitong Lunes sa second leg ng E-Karate World Series, muling nagwagi si De los Santos nitong Biyernes pagkaraang talunin si world no. 2 Matias Moreno-Domont ng Switzerland, 25.8 – 24.4, sa finals ng second leg ng Budva Winner-Adria Cup.
Dahil sa kanyang huling dalawang panalo, mas tumatag pa si De Los Santos sa pagiging world’s no.1 e-kata athlete sa kanyang natipong 23,360 puntos lubhang malaki ang agwat kay Moreno- Domont na may 11,985 puntos at sa pumapangatlong si Silvio Cerone-Biogioni ng South Africa na may 9,840 puntos.
Samantala, maging ang mga estudyante ni De los Santos sa Maharlika Karatedo Kai of the Philippines International ay kasama nyang nagbibigay karangalan sa bansa sa larangan ng e-kata.
Nagwagi si Fatima A-Isha Lim Hamsain tatlong golds at isang bronze ngayong linggo. Noong Lunes, nagwagi sya sa Under-16 at Under-18 female e-kata division sa second leg ng E-Karate World Series bago nagwagi muli sa second leg ng Budva Winner-Adria Cup ng isa pang gold at isang bronze sa Under-18 class.
Nanalo naman si Christina Colonia ng silver medal sa Under-18 category ng Budva Winner-Adria Cup second leg.