ni Dave M. Veridiano, E.E.
Huling Bahagi
KUNG totoo ang sinasabi ni “Kabo” na aabot sa milyones ang “operational budget” na ibinibigay ng pulitikong may gustong ipatumba sa kanilang AOR – aba’y ito ang malinaw na dahilan ng magkakasunod na pagpatay sa mga lalawigan na gustong pagharian ng pamilya ng mga ganid na pulitiko.
Ani Kabo: “Nalaman ko na lang na may P11 milyon na ibinigay sa kanya na budget galing sa Kapitolyo. Tinawag itong ‘OPLAN: Hook – Rehas – Armado’ para sa lalawigan. Ang pera ay gagamitin na panggastos para gumawa ng paraan at iakusa na kasama sa illegal drugs ang lider sa ___ distrito ng Samar.”
Sa isang meeting na nakasama si Kabo, ganito naman ang narinig daw niya na sinabi ng isang opisyal ng PNP na naka-assign sa Samar: “Nagmamatigas si Mayor Aquino, tingnan ko lang ang galing niya, isama na natin siya sa lahat ng nalagay sa kabaong!”
Ang todo pakiusap ni “Kabo” sa pamunuan ng PNP: “Nakikiusap ako ngayon sa pamunuan sa Crame na sana ay direktang pamunuan ng PNP Region 8 ang Samar Police Provincial Office (SPPO) at ang Calbayog City Police Station.”
Ani “Kabo”: “Gustong-gusto ko na talagang makabawi para sa ikabubuti at kapayapaan ng probinsiya at malinis ko man lang ang aking konsensiya. Sa matagal kong pagsama kay Sir Tabada, nakita ko ang kasamaan ng ilang kapulisan at sirang-sira na ang imahe ng PNP lalo na dito sa Samar. Nahihiya na talaga ako sa napakaruming imahe ng SPPO para kaming mga bodyguard at mga bayaran lang.” Pakiusap niya sa mga kasamahang pulis: “Mga katropa kong pulis, huwag na tayong magpagamit sa Pamilya ______. Sirang-sira na ang institusyon at isinusuka na tayo ng Bayan.”
Nagpaalala rin si “Kabo” sa mga kasangga niyang militar sa AOR: “Sana ang mga opisyales ng Army na naka-assign sa Samar ay hindi matulad sa aming mga masasamang pulis. Dapat silang umiwas sa Pamilya ____ at ‘wag magpagamit sa pamumulitika.”
“Ang lahat ng ito na binitiwan kong testimonya ay taos-puso kong isinasalaysay sa harap ng Diyos. Sana ay makatulong ito na magbago ang pamunuan ng SPPO at buong hanay ng PNP. Kung sakaling mahuli o mapatay man ako, nalinis ko na ang aking konsensiya. Ayaw kong madamay ang aking pamilya at sana makatulong ito na maibalik ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan,” ani “Kabo” sa kanyang pahimakas.
Sa gitna ng mga ganitong nangyayari sa bansa -- ayaw kong isipin, pero parang pilit umuukilkil sa aking isipan ‘yung panahon bago matapos ang dekada 90, na marami rin akong nabasa na mga ganitong uri ng sulat; at narinig na mga impit na bulong at hinaing na namutawi mula sa mga kilala kong tahimik na mga pulis at militar sa loob ng mga kampo rito sa Kalakhang Maynila – bulong na mahina pero unti-unting papalakas nang papalakas…hanggang sa biglang sumabog, at mabilis na napuno ng mga tao ang kahabaan ng makasaysayang EDSA.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]