MILWAUKEE (AFP) —Hindi rin nakalusot ang Celtics sa panunuwag ng Milwaukee Buck – kahit malamya ang opensa ni Giannis Antetokounmpo.

Nagsalansan si Khris Middleton ng 27 puntos at 13 rebounds para sandigan ang Bucks sa makapigil-hiningang 121- 119 panalo laban sa Boston Celtics nitong Miyerkoles (Huwebes sa Manila) para sa ika-walong sunod na panalo.

Umabot sa 25 puntos ang bentahe ng Milwaukee, ngunit nahabol ng Celtics ang kalamangan at naselyuhan ang panalo ng Bucks nang sumablay ang libreng three-point shot ni Daniel Theis sa krusyal na sandali.

Mula sa 90-65 paghahabol sa third quarter, naibaba ito ng Celtics sa dalawang puntos, tampok ang three-pointer ni Jaylen Brown may 1:32 ang nalalabi. Maraming pagkakataon ang Boston na maitabla o maagaw ang kalamangan, ngunit hindi humalik sa kanila ang buwenas.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nalimitahan si Antetokounmpo – tinaguriang ‘Greek Freak’ – sa pinakamababang career input na 13 puntos ngayong season.

MAGIC 112, SUNS 111

Sa Orlando, naisalpak ni Evan Fournier ang driving layup sa harap ng depensa ni Phoenix center Deandre Ayton may 6.4 segundo ang nalalabi para maitakas ang panalo ng Magic laban sa Suns.

Umabante ng isang puntos ang Suns mula sa free throw ni Devin Booker may 19.4 segundo ang nalalabi, subalit naimintis niya ang reverse layup sa buzzer para matuldukan sa pito ang kanilang road winning streak.

Nanguna si Nikola Vucevic sa Orlando na may 27 puntos at 14 rebounds, habang kumana si rookie Chuma Okeke ng career-best 17 puntos. Tumapos si Booker na may 25 puntos, pitong rebounds at pitong assists sa Suns.

Sa iba pang laro, dinurog ng Los Angeles Clippers ang San Antonio Spurs, 134-101; nginata ng Toronto Raptors ang Denver Nuggets, 135-111; ginapi ng Indiana Pacers ang Detroit Pistons, 116- 111; pinatahimik ng Cleveland Cavaliers ang Cicago Bulls, 103-94; pinabagsak ng Charlotte Hornets ang Houston Rockets, 122-97; pinataob ng Memphis Grizzlies ang Oklahoma City Thunder, 116-107; pinaamo ng Dallas Mavericks ang Minnesotta Timberwolves, 128-108.