Nina MARTIN SADONGDONG at BETH CAMIA
Bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na alisin ang banta ng coronavirus disease (COVID-19), inaasinta ng bansa na magbakuna ng 500,000 hanggang sa isang milyong katao lingguhan sa Abril at Mayo.
Sinabi ni Secretary Carlito Galvez Jr., vaccine czar at punong tagapagpatupad ng National Task Force (NTF) Against COVID- 19 nitong Lunes ng gabi, Marso 23, na magagawa ito sa sandaling ang karamihan ng mga bakuna na nakuha ng gobyerno ay makarating sa second quarter ng 2021.
“[A]ng targeted vaccination po natin by April and May, hinahabol po namin na magkaroon po tayo ng 500,000 to 1 million per week,” sinabi ni Galvez sa lingguhang Cabinet meeting ni President Rodrigo Duterte. Sa kasalukuyan, sinabi ni Galvez na nasa 370,000 healthcare workers na ang nabakunahan mula noong Marso 1.
Kinakatawan nito ang 21.71 porsyento ng 1.7 milyong healthcare workers sa bansa - ang A1 priority sa programa ng pagbabakuna - na target na mabakunahan lahat ng gobyerno hanggang Abril.
Sa gitna naman mga kuwestiyon sa availability ng bakuna gayung malaki ang nautang ng pamahalaan para rito, nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na idinadaan sa World Bank at iba pang multi-sectoral partners gaya ng Asian Development Bank ang pagbili ng bakuna ng gobyerno.
Dagdag ni Roque, walang opisyal ng pamahalaan ang may access sa COVID-19 vaccine funds. Credit line ang sistemang ginagamit dito kay diretso ang bayad sa vaccine manufacturers