Ni Edwin G. Rollon
PINALAWIG ng Games and Amusement Board (GAB) ang deadline sa pagpaparehistro ng mga napasong lisensiya – na walang penalty -- hanggang Setyembre 21, 2021.
Sa memorandum na inilabas ng GAB na may petsang March 22, 2021 at nilagdaan nina Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, pinalawig ang pagtanggap ng aplikasyon para sa renewal bilang pagbibigay halaga sa ‘safety and health’ protocol na ipinapatupad ng pamahalaan, higit at patuloy ang paglaban sa COVID-19 pandemic.
Hinihikayat ni Mitra ang lahat ng pro athletes at mga lisensiyadong indibidwal sa pangangasiwa ng professional sports agency ng bansa na itakda ang kanilang araw nang pagtungo sa GAB office sa Makati City dahil sa ipinapatupad na protocol, habang isinasaayos na rin ang on-line application system.
“Priority po ng inyong GAB ang kalusugan ng lahat kung kaya’y mahigpit po ang ipinapatupad namin ang health and safety protocol. Wala na po kayong dapat ipag-alala dahil wala pong penalty sa late renewal,” pahayag ni Mitra.
Ipinaalala rin ng dating Palawan Governor at Congressman na mahigpit na ipinapatupad ang pagsusuot ng face mask, temperature scanning, physical distancing, paggamit ng footbath at sanitizing sa mga kamay, gayundin ang pagsumite ng Health Declaration form.
“Iba’t ibang variant na po ng COVID-19 ang nade-detect kaya kailan po ang masinsin na pag-iingat. Kailangan nating sundin ang lahat ng panuntunan. Wala pong pinipili ang COVID-19, ako nga po na lahat ng paraan para makaiwas ay ginawa ko, pero nagpositibo pa rin tayo. Salamat naman po sa Diyos at nakabawi tayo, kaya sa lahat ingat po tayo,” pahayag ni Mitra.