ni Dave M. Veridiano, E.E.
GAYA nitong napasakamay kong liham mula sa isang pulis, na bagaman aminadong nagpasasa sa illegal na gawain ng kanyang mga naging opisyal sa PNP, ay ‘di rin nakatiis – kaya iniligwak ang mga katiwaliang kanyang sinamahan.
Sa kanyang tatlong pahinang liham / salaysay, inamin ng pulis - tatawagin ko siyang “Kabo” – na trusted alalay siya ni P/Capt. Joselito Tabada, chief of police (COP) sa bayan ng Gandara, Samar na umano’y leader ng grupong nagplano ng “ambuscade” kay Calbayog Mayor Ronaldo P. Aquino. Sa putukang naganap ay tinamaan si Capt Tabana at duguan itong lumundag sa ilalim ng tulay na pinangyarihan ng barilan. Patay na siya nang matagpuan sa lugar na kanyang kinabagsakan.
Ayon kay “Kabo” -- kahit ‘di siya sangkot sa pagpatay kay Mayor Aquino nitong Marso 8, 2021 ay naging bahagi rin siya ng bulok na sistemang pulitikal sa lalawigan ng Samar. Ang tinutukoy niya ay ang maraming pagpatay sa lalawigan, simula noong 2011 nang mapatay si Calbayog Mayor Reynaldo Uy hanggang sa pagkakapatay kay Mayor Aquino. Gaya ng iba pang “politically-motivated” na pagpatay – nabaon na rin sa limot ang pagkakapaslang kay Mayor Uy makalipas ang 10 taon.
Maraming pinangalanan si “Kabo” na mga opisyal ng PNP at pulitiko, pero iiwasan kong banggitin ang mga ito. Hihintayin ko muna na lumutang siya at pumasok na testigo sa ilalim ng “Witness Protection Program” o WPP, upang panindigan ang kanyang testimoniya, na sa aking pakiwari, ay sumasalamin sa mga karahasang nangyari, nangyayari at mangyayari pa sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo pa’t paparating na naman ang pambansang halalan sa May 2022.
Ang ilang bahagi sa liham ni “Kabo” ay tatalakayin ko nang ‘di na magbabanggit ng mga pangalan, dahil kahalintulad din naman kasi ang krimeng ito, ng mga pagpatay na naganap sa iba’t ibang panig ng bansa, halos kasabay ng papainit na klima ng pulitika sa paparating na halalan.
Kung ang pagbabatayan ay ang revelation ni “Kabo”, magaganap lamang ang mga “politically motivated” na pagpatay sa mga lalawigan -- gaya nang kina Mayor Aquino at Mayor Uy – kapag may “alagang” dalawang opisyal ng PNP at PDEA, ang pulitiko na gustong maghari-harian sa kanyang probinsiya. Gagamitin lamang nito ang kanyang pera at connection ay magagawa nitong maiupo ang mga “manok” niya mula sa dalawang ahensiya.
Ang epektibong alibi kasi para pumatay ng kalaban sa pulitika ay palabasing may “involvement” ito sa ilegal na droga -- at bihasa rito ang ilang operatiba ng PNP at PDEA. Gusto naman nila ito dahil bukod sa promotion at cash reward mula sa PNP at PDEA – sa bawat ulo nang maitutumbang sangkot sa droga -- may “under-the-table” pang katapat na “cash reward” mula sa pulitiko na makikinabang sa pagkamatay ng kaniyang kalaban.
Kaya nga dumarami ang mga “politically motivated” na pagpatay – na under the cover of “illegal drugs operations” – dahil mas gusto na ito ngayon ng mga ganid na pulitiko. Mas nakatitipid sila ng malaki kapag “itutumba” na lamang ang malakas na kalaban sa eleksyon, kesa harapin pa ito sa halalan at gumastos ng malaki sa pangangampaniya. Siyempre, kasama sa operasyong ito ang pagkalap ng mga pekeng “intelligence information” na magsasama sa pangalan ng kalabang pulitiko sa listahan ng mga “notorious” na drug lords at pusher, na magiging batayan naman ng “legit” na operation, na ang palaging dulo ay ang pagkakapatay ng mga suspek dahil sa “lumaban” sa mga operatiba. Sundan ang huling bahagi.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]