ni Bert de Guzman
NAKAGIGIMBAL ang balitang may 220 Chinese militia ships ang ngayon ay nakaangkla sa isang reef na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea (WPS). Agad naghain ng protestang diplomatiko ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Akalain ba nating habang binabagabag tayo ng pagdami ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, heto na naman ang panibagong problema na babagabag naman sa isyu ng ating teritoryo.
Noong Linggo ng gabi, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na nagpalabas siya ng protesta hinggil sa presensiya ng mga barkong-China sa Julian Felipe Reef (Whitsun Reef) sa WPS.
Ang coral reef na nasa loob ng Pilipinas at EEZ at continental shelf ay matatagpuan sa hilagang-silangan ng Pagkakaisa Banks at Reefs (Union Reefs) na tinatayang 175 nautical miles dakong kanluran ng Bataraza, Palawan.
Kinumpirma ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang report at inirekomenda ang paghahain ng diplomatic protest. “I got the coordinates, so to speak. And relayed to my legal artillery, “Fire at will.” Shell should be flying at first light. I don’t usually announce maneuvers but it seems everybody is baring his chest,” ayon sa Tweet ni Locsin noong Linggo ng gabi.
Una rito, sinabi niya na hinihintay pa niya ang order mula kina Esperon at Defense Secretary Delfin Lorenzana bago kumilos at magprotesta.
Samantala, inakusahan ni Lorenzana ang China ng “incursion,” at sinabing ang presensiya ng Chinese militia boats sa naturang reef ay “clear provocative action of militarizing the area.” Aniya, tinatawagan nila ang China na itigil ang incursion o pagpasok nang iligal at agad paalisin ang mga barko dahil paglabag ito sa maritime rights ng PH at pag-encroach sa pambansang soberanya ng ating bansa. Binigyang-diin ni Lorenzana na ang lugar ay nasa loob ng Philippine EEZ at continental shelf, kaya tanging ang mga Pilipino ang may karapatan sa resources dito alinsunod sa international law at ng 2016 arbitral ruling. Patuloy na binabalewala ng China ang arbitral ruling, na nagbabasura sa malawak na pag-angkin o expansive claims nito sa South China Sea, na ang bahagi ay nasa West Philippine Sea.
Sinabi ni Lorenzana na ang DND ay nakikipag-coordinate sa Philippine Coast Guard (PCG), National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at DGA para sa angkop na mga aksiyon.
Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsasagawa ito ng sovereignty patrols upang lalong ma-validate ang report o ang presensiya ng mga barko ng China sa reef.
Ayon kay AFP spokesperson MGen. Edgard Arevalo, ang report ay magiging batayan para sa pagsasagawa ng kaukulang mga aksiyon at hindi lang limitado sa diplomatic protests. “The AFP will not renege from our commitment to protect and defend our maritime interest within the bounds of the law.” Ang NTF-WPS ay nagpahayag ng pagkabahala sa presensiya ng Chinese militia boats dahil umano sa labis na pangingisda o overfishing at pagsira sa marine environment at mga panganib sa kaligtasan ng paglalakbay (navigation). Patuloy sa pagdami ang mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa habang sinusulat ko ito. Ano kaya ang tunay na dahilan kung bakit bilang sumikad ang mga impeksiyon sa mga Pilipino? Makatutulong tayo sa gobyerno kung susundin natin ang mga payo: “Manatili sa bahay, iwasan ang ‘di-mahalagang biyahe, maghugas lagi ng kamay, magsuot ng face mask/shield, tamang agwat, huwag pumunta sa maraming tao at pagtitipon.” Mahirap bang sundin ito mga kababayan?