ni MARY ANN SANTIAGO
Tatlong construction worker ang binawian ng buhay habang dalawa pa ang sugatan matapos na madaganan ng isang gusali na gumuho habang isinasailalim sa demolisyon sa Ermita, Maynila nitong Sabado ng umaga.
Ang tatlo ay kinilalang sina Richard Bugarin, Joseph Lacsa, at Jomar Torillos.
Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang dalawa pa nilang nasugatang kasamahan na kinikilala pa ng pulisya.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bigla na lamang gumuho ang basement at unang palapag ng anim-palapag na abandonadong Philam Life building sa United Nations Avenue, Maria Orosa St. habang dini-demolish ng mga construction workers, dakong 11:00 ng umaga.
Kaagad na natabunan ang limang trabahador, gayunman, dalawa sa kanila ang nasagip at kaagad na naisugod sa pagamutan.
Sinabi ng MPD-Ermita Police Station 5 (PS-5), dakong 8:45 ng umaga nang matagpuan ang bangkay nina Bugarin, Lacsa at Torillos.
Kaugnay nito, nangako naman ang contractors ng gusali na pagkakalooban ng tulong ang mga naulilang pamilya ng mga biktima.