ni Bert de Guzman
MALAYO pa pero malapit na rin. Ito marahil ang nasa isip ng oposisyon nang ilunsad nila ang isang koalisyon o pagsasama-sama ng mga grupo na pipili ng mga kandidato na isasabak nila sa 2022 national elections. Ito ay tinawag nilang 1SAMBAYAN o Isang Bayan.
Sa pangunguna ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio, adhikain ng koalisyon na hamunin at labanan ang mga kandidato ng administrasyon sa darating na halalan sa susunod na taon sa pamamagitan ng pagbuo ng isang “single slate” na bubuuin ng may kakayahang contenders para sa panguluhan, vice presidency at mga senador, na walang bahid ng kurapsiyon o pangungurakot.
Kabilang sa shortlist ng 1Sambayan sina Vice Pres. Leni Robredo, Senators Grace Poe at Nancy Binay, Manila Mayor Isko Moreno (Yorme) at dating Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Justice Carpio, nagkaroon na sila ng inisyal na pagkikipag-usap kina Robredo, Poe, Binay, Moreno, Trillanes, ngunit isa man sa kanila ay hindi nagdeklara ng ano mang intensiyon na sumanib sa oposisyon.
“Walang isa man sa kanila ang nagdeklara na tatakbo. Sila ay posibleng mga kandidato lamang,” pahayag ni Carpio sa paglulunsad ng koalisyon sa Makati City. “Handa kaming tumanggap ng mga suhestiyon at nominasyon. We are not foreclosing the candidates that we will consider.”
Sa pagbuo ng opposition slate kontra sa mga kandidato ng administrasyon, susuriing mabuti ng 1Sambayan ang posibleng mga kandidato mula sa “democratic forces” ng political spectrum ng Pilipinas, ayon kay Carpio.
Pinahagingan ng Palasyo ang 1Sambayan at sinabing lubhang maaga pa na pag-usapan ang pulitika sapagkat ang bansa ay kasalukuyang nakikipagtunggali sa coronavirus pandemic. Gayunman, sinabi ng Malacanang na hindi naman nila pipigilan ang oposisyon sa mga plano nito. “Maaga pa para talakayin ang pulitika. Iwasan muna natin ito. Kami sa administrasyon ay nakapokus sa serbisyo sa bayan at paglaban sa pandemic,” ani presidential spokesman Harry Roque. “It is not time for politics but we wish them the best. Good luck to Justice Carpio.”
Kabilang sa mga convenor ng 1Sambayan ay sina ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales, ex-Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, ex-Education Sec. Armin Luistro, ret. Admiral Rommel Jude Ong, lawyer Howie Calleja, ex-Negros Occidental Gov. Lito Coscuella, ex-COA commissioner Heidi Mendoza, Partido Manggagawa chairman Renato Magtubo at Rickie Xavier.
Samantala, kung natatandaan pa ninyo, sa isang okasyon ay nagpahayag o pagbibiro si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na nais niyang itulak si Sen. Christopher “Bong” Go bilang kandidato sa pagka-pangulo sa 2022 elections. Sabi ni Go, nagbibiro lang ang presidente. Sinundan ito ng pahayag ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na nais nilang ang maging tandem sa 2022 elections ay Go-Duterte. Meaning, si Go sa pagka-presidente at si PRRD sa pagka-pangalawang pangulo. Sa survey, lumabas pang pabor ang mga tao sa Go-Duterte ticket.
Talaga, malayo pa ang eleksiyon pero parang nagiging malapit na rin. Sa isang kisap-mata, 2022 na pala at naririto na ang halalan sa Pilipinas para pumili ng bagong pangulo kapalit ni Mano Digong.