MOSCOW (AFP) - Kinutya ni Russian President Vladimir Putin noong Huwebes si Joe Biden sa pagtawag sa kanya na “killer” - sinabi na “it takes one to know one” - habang ang mga ugnayan sa pagitan ng Moscow at Washington ay muling lumubog.

Ang mga komento ni US President Biden ay nagbunsod ng pinakamalaking krisis sa pagitan ng Russia at United States sa loob ng mga taon, nagtulak sa Moscow na pauwiin ang embahador nito at nagbabala na ang mga ugnayan ay nasa bingit ng tuwirang pagbagsak.

Ngunit nagsasalita habang nasa isang kaganapan na nagmamarka ng pitong taon mula nang idugtong ng Russia ang Crimea, isinantabi ni Putin ang pagputol ng lahat ng ugnayan sa US at binuweltahan ang 78-taong-gulang na pinuno ng US.

“We always see in another person our own qualities and think that he is the same as us,” sinabi ni Putib, na ang tinutukoy ay ang komentong mamamatay-tao ni Biden.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

“It takes one to know one,” dagdag ni Putin, binanggit ang isang kasabihan mula sa kanyang kabataan sa panahon nh Soviet sa Saint Petersburg. Idinagdag pa ni Putin na hangad niya ang mabuting kalusugan ni Biden. “I’m saying this without irony, not as a joke.”

Kinagabihan ng Huwebes, inanyayahan ni Putin si Biden na mag-usap sila nang live sa online alinman sa Biyernes o Lunes.

Sinabi niya na ito ay magiging isang bukas na direktang talakayan na magiging “interesting” para sa mga tao ng Russia at United States.

Sa panayam sa ABC News noong Miyerkules, sinabi ni Biden na si Putin ay magbabayad para sa pagtangkang sirain ang kanyang kandidatura sa halalan ng US nitong 2020. Tinanong kung naisip niya na si Putin ay “killer”, sumagot si Biden na: “I do.”

Sinabi ng White House noong Huwebes na hindi nagsisisi si Biden sa kanyang komento.

“Hindi, ang pangulo ay nagbigay ng direktang sagot sa isang direktang tanong,” sinabi ni press secretary Jen Psaki sa mga reporter.

Nang tanungin tungkol sa posibilidad ng mga virtual na pag-uusap, hindi nagbigay si Paski ng agarang sagot ngunit ipinahiwatig na si Biden ay naglalakbay noong Biyernes at “quite busy”.