ni Celo Lagmay
Halos magkasunod na naghanay ang mga haligi ng Oposisyon at ang liderato ng Administrasyon ng kani-kanilang mga pambato na isasagupa sa napipintong 2022 elections. Kapuna-puna na ang mga personalidad na pinangalanan nila ay pawang nagtataglay ng mga katangian, katalinuhan at kakayahan na magiging batayan ng sambayanan sa pagpili ng nais nilang maging lider -- mga kandidato na sa biglang tingin ay wala tayong itulak-kabigin, wika nga.
Sa pagtalakay ng naturang isyu, wala akong tutukuying mga pangalan. Mana pa, nais kong bigyang-diin na ngayon pa lamang ay lantaran nang nagpaparamdam ang mga naghahangad pumalaot sa pulitika -- mula sa Panguluhan hanggang sa pinakamababang puwesto sa ating pamahalaan.
Patunay lamang ito na halos magkumagkag ang mga pulitiko sa pagpapalutang ng kanilang mga political agenda at iba pang adhikain na lagi nilang ipinangangalandakang matapat at kapi-pakinabang na paglilingkod sa bayan. Ang gayon kayang pananaw at paninindigan ay masasalamin sa mga pangalang tinukoy ng Oposisyon at ng Administrasyon?
Maaring taliwas ang aking pananaw sa paniniwala ng kinauukulang mga pulitiko hinggil sa pagpili ng mga kandidato, subalit nais kong ipagdiinan na hindi dapat ipagwalang-bahala ang nakalipas at kasalukuyang pinaka-ama ng iba’t ibang partido. Ibig sabihin, ang naturang mga haligi ng lapian ang itinuturing na matibay na barometro sa pagkilatis sa ihahalal nating mga pulitiko. Tulad ng isang pamilya, ang ugali, kakayahan at katauhan ng isang ama ng tahanan ay masasalamin sa kanilang mga anak.
Sa malawak na pakahulugan, ang katangi-tangi at malinis na pamamahala ng isang ama ng lapian ay taglay rin ng kanyang mga supling; mga kuwalipikasyon na natitiyak kong yayakapin, wika nga, ng taumbayan. Subalit kung ang paglilingkod ng isang haligi ng partido ay nabahiran ng katakut-takot na pagmamalabis, kapabayaan at kawalan ng paggalang at pagmamalasakit sa sambayanan, naniniwala ako na sila ay hindi panghihinayangan at hayagang itatakwil. Ang gayong kasumpa-sumpang panunungkulan ay hindi dapat tangkilikin.
Maaaring maaga pa ang pagpapalutang ng mga planong pampulitika ng iba’t ibang partido, subalit ito ay isang magandang pagkakataon para sa ating mga kababayan sa pagkilatis at pagkaliskis, wika nga, sa maglilingkod sa bayan. Ngayon pa lamang, sa madaling salita, makakapa na natin ang mga mapagkakatiwalaan at karapat-dapat iluklok sa pedestal ng karangalan.