ni Bert de Guzman
SA kabila ng biglang pagsipa o pagdami ng bilang ng mga Pinoy na tinatamaan ng COVID-19, sinabi ng mga eksperto sa kalusugan na hindi ang sakit na ito ang nangungunang dahilan ng kamatayan ng ating mga kababayan.
Mapanganib at deadly ang coronavirus, ngunit hindi ito ang numero unong karamdaman na pumapatay sa mga mamamayan.
Ayon sa mga eksperto, may anim pang sakit sa Pilipinas ang higit na deadly kaysa COVID-19 na kasalukuyang nananalasa sa buong bansa.
Sinabi ni Dr. Anthony Leachon, isang infectious disease doctor at dating adviser sa National Task Force Against COVID-19, ang kakulangan ng clinic check-ups, kakulangan ng mga doktor dahil hindi sila makapunta sa trabaho ay lumilikha ngayon ng isang senaryo sa pagdami ng sakit sa puso o cardiovascular disorders.
Ang Ischaemic heart diseases ang nangungunang dahilan ng kamatayan sa una at pangalawang taon. May 99,680 ang namatay ng nakaraang taon. Ang mortality o kamatayan dahil sa sakit na ito ay tumaas nang 2.3% year-on-year, at kumakatawan sa 17.3% ng kabuuang pagkawala ng mga buhay dahil sa sakit na ito noong nakaraang taon.
Ang pangalawa sa dahilan ng kamatayan sa bansa ay ang tinatawag na neoplasms o tumors at ang cerebrovascular diseases ay pangatlo bagamat ang mga kamatayan sa mga sakit na ito ay bumaba ng 9.3% at 6% mula sa antas ng nakaraang taon.
Ang pagkamatay dahil sa diabetes mellitus ay biglang sikad sa 7.8% o 37,265 noong nakaraang taon, kaya lumalabas na ito ngayon ang ika-4 na top killer ng mga Pinoy mula sa pagiging ika-5 noong 2019.
Ang ika-6 dahilan ng kamatayan ay bunsod ng mataas na presyon ng dugo o hypertensive diseases. Lumundag ito sa 6.3% o 29,511 noong nakaraang taon nang karamihan sa mga Pilipino ay napilitang manatili sa kanilang bahay.
Ayon sa mga eksperto, ang mga kamatayan na may kinalaman sa COVID-19 ay maituturing na ika-7 lang sa mahigit na 12,000, kung kaya nagpahayag ang Coalition of People’s Right to Health ng “covidization” ng healthcare. Ayon sa non-government organization bagamat nananatili ang coronavirus na isang seryosong problema, ang ibang mga sakit ay hindi dapat na kalimutan.
“Many patients were unable to receive proper follow-up for monitoring and treatment, perhaps worsening chronic and neglected diseases. Unfortunately, this may have contributed to more deaths indirectly caused by the pandemic,” sabi ni Joshua San Pedro, isang convenor.
Sa ngayon, nauuso na ang telemedicine para makaiwas sa hospital congestions, pero ang pangangalaga ay nalilimitahan din ng teknolohiya, at ang mga sakit ay nangangailangan ng close check-up lalo na iyong may iba pang kaakibat na karamdaman.
Samakatwid, hindi pala ang COVID-19 ang Number One na killer ng mga Pilipino sa ngayon. May anim pa palang karamdaman na dapat nating bantayan at pangalagaan. Sana ay tuluyang lumayas na ang virus ng COVID sa Pilipinas, at hayaang mamuhay nang tahimik ang mga mamamayan.