ni Dave M. Veridiano, E.E.
SA grupo ng mga manggagawa na hanggang leeg ang paghihirap sa gitna ng pandemyang COVID-19, ay nagpusong mamon ako para sa mga taksi drayber, na sa halip na makabangon agad sa dinaranas na kahirapan, ay mas pinadapa pa ng isang malaking commercial bank na lantarang ang pagsuway sa Bayanihan Law, na itinakda ng pamahalaan upang matulungan ang naghihirap na sector sa ating lipunan.
Nalaman ko ang hinggil sa pagiging pasaway ng sinasabing bangko – na sa aking palagay ay kawalang puso para sa naghihirap nating kababayan -- mula sa dalawang taxi driver na nakasabay kong magkarga ng hangin sa gulong ng sasakyan, sa isang gasolinahan sa Cubao, Quezon City nitong nakaraang araw.
Hindi ko sure yung pangalan ng bangko kaya minarapat kong ‘di na muna ito pangalanan, habang nire-research ko pa ang tunay na nangyari, pero ang ilalahad ko sa inyo ay ito mismong mga hinaing ng dalawa sa mahigit 100 daan na mga apektadong taxi driver.
Isang foreigner ang operator ng 50 unit ng taksi na tinutukoy ko at may pribilehiyo ang mga sasakyan na maglabas-masok sa ilang international airport dito sa Luzon. Nasa ekslusibong kontrata nito sa pamunuan ng ilang airport na priority ng mga ito ang pasahero mula sa paliparan, lalo na ‘yung turistang galing sa ibang bansa.
Maayos at walang problema ang serbisyo ng mga taxi driver kaya’t maganda rin ang kanilang kita. Wala sanang problema – enter COVID-19. Biglang tigil ang inog ng mundo para sa lahat, grounded ang mga tao kaya gaya ng halos lahat ng manggagawa sa iba’t ibang sektor sa ating lipunan, nawalan din sila ng pagkakakitaan ng mahabang panahon.
Nang medyo lumuwag ang sitwasyon – pero wala pa ring pasahero sa mga airport – minabuti ng operator ng mga taxi driver, na kumuha ng clearance sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ang kanyang 50 taxi ay makapag-operate muna bilang mga ordinaryong taxi na pwedeng magsakay ng pasahero sa labas ng mga airport. Tuwang-tuwa ang mga matagal na ring nabakanteng mga driver -- na ‘yung iba ay umaasa na lamang sa tulong ng kapwa nila driver na nakaka-gimik para kumita. Medyo matagal din silang naghintay pero nauwi lang ito sa wala. Payag naman sana LTFRB dahil talaga namang walang kabuhay-buhay ngayon sa loob at labas ng mga airport sa buong bansa. Ang kondisyon lang ay kailangang mag-submit muna ang operator ng mga official na OR/CR (official receipt/certificate of registration) ng mga sasakyan.
Dito lumabas ang problema – kasi na-deny ang request ng operator nang ‘di nito maipakita sa LTFRB ang hinihinging original copies ng OR/CR dahil ayaw ito i-release ng bangko. Sa halip ay na-CLOSED pa ang bank account ng operator…ginawa ito ng bangko sa gitna ng umiiral na Bayanihan Law!
Sa 50 palang sasakyan ng operator, ang 30 ay naka-financing sa pasaway na bangko, na ang gusto pala ay mabayaran muna ng buo ang ‘di naihulog ng operator bago nito i-release ang mga OR/CR na hinihingi naman ng LTFRB, para mapayagan ang mga sasakyan na makalabas sa ibang ruta…Anak ng pating naman, eh paano nga makapaghuhulog, sa walang labas, kaya walang “boundary” ang mga driver! Kaya balik sa paghahanap ng ibang pagkakakitaan ang mga nabigong taxi driver. Swerte lang itong dalawang nakakuwentuhan ko dahil may bakanteng taxi na available sa di kalayuan sa tinitirahan nila. Yun lang – sa konti nilang kinikita, bina-bahaginan nila ang ibang kasamahang nangangailangan ng konting tulong habang wala pang mailalabas na taxi. Yan ang tunay na “Bayanihan” na tatak Pinoy!
May mangyayari kaya sa reklamong inihain ng taxi operator laban sa sinasabing bangko na pasaway naman sa Bayanihan Law? ABANGAN!!!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]