BINIBIKTIMA ng mga scammer ang mga naghahanap ng dagdag na mapagkakakitaan upang mapataas ang kanilang kita o mapalago ang kanilang kabuhayan para sa hinaharap. Alok nila ang investment deal na naggagarantiya ng malaking tubo nang walang kahirap-hirap.
Ilan ang maaaring nagdududa o nag-iingat at sa simula ay mamumuhunan muna ng maliit na halaga upang subukan. Ngunit sa puntong matikman nila ang mabilis na kita, dito na sumisipa ang kasakiman at mamumuhunan ng mas lamaki o “go all-in.” Sa kanilang kagustuhan na mabilis na kumita ng pera, ilang mamumuhunan ang umuutang sa kanilang kamag-anak, kaibigan at ibang mapagkukuhanan, at ilalaan ang nakuhang pera sa mga scam na ito.
Dahil nakahahawa ang kasakiman kadalasang nahihikayat ang kaibigan at kamag-anak at paiikutin silang lahat ng mga scammers at bigla na lamang maglalaho.
Kaya naman paulit-ulit ang paglalabas ng paalala ng Securities and Exchange Commission sa publiko. “The public must be wary that any promise of massive rates of return with little or no risk is an indication of a Ponzi Scheme where monies from new investors are used in paying fake ‘profits’ to earlier investors and is designed mainly to favor its top recruiters and prior risk takers and is detrimental to subsequent members in case of scarcity of new investors.” Dagdag pa ng SEC, “It must be clear that entities engaged in such activities likely tend to disappear shortly to the prejudice of their stakeholders.”
Gayunman, marami ang pinipiling balewalain ang babalang ito, sa pagkasilaw sa mga
“get-rich quick schemes.” Lalo pa itong lumaganap sa panahon ng pandemya kung saan batid ng mga tao ang pangangailangan para sa pinansiyal na seguridad at paghahanap ng paraan upang mapalago ang kanilang ipon habang karamihan ng mga tradisyunal na negosyo ay naghihirap o tuluyang nagsara.
Para sa 2020, naglabas ang SEC ng mataas na 123 advisories na nagpapaalala sa publiko na iwasan o itigil ang pakikisangkot sa mga indibiduwal na bahagi ng mga mapanlinlang na investment schemes, halos doble ng kabuuang bilang ng abiso na inilabas ng ahensiya noong 2019.
Sa bilang na ito, 38 abiso ang laban sa unauthorized investment scheme na inilabas sa panahon lamang ECQ. Ngayong taon, nakapaglabas na ang SEC ng 12 abiso hanggang ngayong linggo.
Anim na corporate registrations ang binawi ng SEC dahil sa “serious misrepresentation” at naglabas ng siyam na cease and desist orders laban sa mga unauthorized investment schemes nitong nakaraang taon.
Inuusig din nito ang 32 indibiduwal na kinasuhan ng 7 kaso para sa paglabag sa Securities Regulation Code, at 2 kaso para sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
Mabilis makasabay ang mga scammers sa mga pagbabagong dala ng pandemya at karamihan ay isinasagawa na online dahil pananatili ng mga tao sa tahanan at kaya naman limitado ang tiyansa na makahanap ng potensiyal na biktima sa mga pampublikong lugar. Dahil digital na rin ngayon ang pag-scam, hindi na lamang limitado sa iilang siyudad o probinsiya ang kanilang operasyon dahil sa tulong ng internet maari silang mas makakalat saan man sulok. Karamihan, kung hindi lahat, ay iniaalok ang kanilang iskema at nanghihikayat ng mga tao sa social media. Ang internet, at tulong ng mabilis na paraan para ng pagpapadala ng pera at pagbabayad, ay nagpapahintulot sa mga investment scammers na mas maraming tao ang mabiktima sa loob at labas man ng bansa.
Kabilang sa mga senyales ng scam ay ang pangako ng mataas o ‘di kapani-paniwalang taas ng rates of return, garantiya ng “payment at no risk,” at investment scheme na mahirap maunawaan at kalimitang walang ideya ang mamumuhunan kung paano sila kumikita.
Bagamat kailangan dito ang mabuting paghuhusga, ilang senyales ang madali na lamang matukoy tulad ng katotohanan na ang kumpanya ay hindi rehistrado sa SEC, walang kinakailangang lisensiya upang makapagbenta ng securities o investment plans, at walang opisina kaya lahat ng transaksyon ay dumadaan online o sa mga social media platforms.
Palaging kakabit ng investment scams ang pangako ng mabilis na pagkita ng pera. Kaya naman ang pinakamainam na paraan upang matukoy kung legit ito o hindi ay ang paggamit sa lumang kasabihan: “If it’s too good to be true, it probably is.”