ni Celo Lagmay
Sa gitna ng mga agam-agam na gumigiyagis sa akin -- at maaring maging sa ilan pang sektor ng ating mga kababayan -- kaugnay ng mga alegasyon hinggil sa sinasabing hindi kanais-nais na ‘side-effect’ ng anti-COVID vaccine, hindi nagbabago ang aking paninindigan: Nais kong magpaturok kaagad ng naturang bakuna laban sa nakamamatay na coronavirus. Naniniwala ako na ito ang maaring makapagpahupa sa matinding banta sa naturang mikrobyo na dumapo at ikinamatay ng libu-libo nating mga kababayan. Nakalulungkot nga lamang na hanggang ngayon ay tila patak-patak pa ang pagdating ng bakuna.
Natitiyak ko na hindi lamang iilan ang masyado nang nananabik na mabakunahan, lalo na ang katulad kong isang octogenarian na mahigit nang 80 anyos na laging inaalihan ng takot at nerbiyos sa pananalanta ng COVID-19; nais na nating makalaya sa mistulang buhay-bilanggo sa ating mga tahanan dahil na sa ibayong pag-iingat laban sa naturang karamdaman; sakit na walang pinaliligtas kahit na ang ilan nating mga frontliner na kinabibilangan ng mga doctor at nurses.
Hindi maiaalis na may mga nag-aalinlangan sa efficacy o bisa ng hinihintay nating mga bakuna mula sa iba’t ibang pharmaceutical firms. Kamakailan, lumutang ang mga ulat na ang isang uri ng bakuna ay sinasabing naging dahilan ng blood-clot sa isang pasyente sa ibang bansa. Hindi ba ang naturang mga bakuna ay dumaan sa maingat at matalinong mga siyentipiko at medical experts na dalubhasa sa paggawa ng mga bakuna? Biglang sumagi sa aking utak ang isang kaibigang doktor na inaasahan kong makakausap sana kamakailan. Subalit nabigla ako nang mapag-alaman ko na hindi mabuti ang kanyang pakiramdam dahil sa pagkakabakuna sa kanya ng anti-virus vaccine; nakadama siya ng panghihina. Bago natapos ang aming pag-uusap sa cellphone, pabulong niyang sinabi: Magpapasuri siya sa kanyang kapuwa manggagamot.
Talagang naririyan pa rin ang mga pagdududa sa mga bakuna, anuman ang uri ng mga ito. Gusto kong maniwala na hanggang ngayon, hindi pa rin nakakatkat sa isipan ng marami ang masalimuot na mga pangyayari kaugnay ng mga alegasyon laban sa halimbawa, bakuna laban naman sa nakamamatay ring dengue. Hindi ba may mga haka-haka na ito ang naging dahilan ng pagkakasakit at kamatayan ng mga naturukan ng anti-dengue vaccine? Hindi ba ang naturang nakadidismayang mga pangyayari ang naging sentro ng katakut-takot na demanda at kontra demanda ng ilang sektor ng sambayanan?
Wala pang maliwanag kung ano kinalabasan ng mga imbestigasyon. Isang bagay ang maliwanag: Ang pangamba at mga pag-dududa sa naturang bakuna -- at maaring sa iba pang uri ng bakuna na hindi na magtatagal at ituturok sa atin -- ay mistulang bangungot na bumabagabag sa sambayanan. Idalangin na lamang natin na ang mga bakuna na ituturok sa atin ay tunay na epektibo laban sa nakakikilabot na coronavirus tungo sa ganap na pagpawi sa takot at nerbiyos na nakalukob sa ating kamalayan.