HINDI na kailangan pang gumamit ng Google para matagpuan ang marka at mahahalagang impormasyon sa career ng isang Pinoy Olympian.
Huli man daw, sinabi ni swimming icon at ngayo’y pangulo ng Philippine Olympian Association (POA) na napapanahon na makabuo ng ‘database’ para sa mga atletang Pinoy na kumatawan sa bansa sa Olympics.
“The POA Board also found it hard to get the needed background and information of every Olympian. Both the Philippine Olympic Committee (POC) and the Philippine Sports Commission (PSC) has no official record on the athletes accounts during their time. At the back of our mind, ito ang kailangan natin and we have to pursue it,” sambit ng tinaguriang ‘Darling of Philippine Swimming’ sa dekada 80 sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports on Air’ via Zoom ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS).
“We’re happy that the PSC launched the Hall-of-Fame. With this, unti-unti, nakakakuha tayo ng records at maipapakilala natin yung mga bayaning atleta sa bagong henerasyon,” aniya sa sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR, at Games and Amusements Board (GAB).
Bahagi ng Selection Committee ng PSCHOF si Thompson na nagsilbi ring Commissioner ng sports agency sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino. Aniya, hindi lamang ang record ng mga Olympian ang prioridad na programa ng POA.
Iginiit ni Thompson na nakikipag-ugnayan na ang POA sa pribadong sektor upang makakalap ng pondo para sa itatayong ‘Trust Fund’ para sa mga Olympian.
“We’re also planning to lobby with the Congress to amend the law in the Athletes Incentives Act. Baka maisama na rin ang Olympian para mabigyan ng tulong pinansyal,” pahayag ni Thompson.
Aniya, maraming Olympian ang dumaranas ng hirap sa buhay bunsod ng iba’t ibang kaganapan at nararapat lamang na matugunan din ito bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa Philippine Sports.