ni  Mary Ann Santiago

Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na mahigit sa 7,000 healthcare workers na ang naturukan ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nakaranas ng adverse reaction o side effects.

Paglilinaw naman ni FDA Director General Dr. Eric Domingo, karamihan sa mga naranasan ng mga naturukan ng bakuna ay pangkaraniwan at inaasahan nang magiging epekto ng bakuna, at hindi naman seryoso o life threatening.

Batay sa datos ng FDA, hanggang nitong Miyerkules ng gabi (Marso 17), ay umabot na sa kabuuang 7,469 ang iniulat na adverse reaction, mula sa kabuuang 240,297 na healthcare workers na naturukan ng COVID-19 vaccine.

Eleksyon

Ipe, suportado ng mag-inang Honeylet, Kitty

Sa naturang bilang, 3,700 ang adverse reaction mula sa CoronaVac ng Sinovac habang 3,769 naman ang mula sa AstraZeneca. Nasa 7,331 naman umano sa mga ito ang itinuturing na non-serious events, 137 ang serious events pero hindi naman nagresulta sa pagkasawi, habang isa ang sinawimpalad na bawian ng buhay. Aniya, halos pareho lang ang naitala nilang mga adverse effects o epekto ng AstraZeneca at CoronaVac, kabilang ang general symptoms na pananakit ng katawan, chills o pangingiki, chest discomfort o paninikip ng dibdib, at fatigue o pagkapagal. Mayroon din naman umanong nakaranas ng pagkahilo o sumakit ang ulo at tumaas ang blood pressure.

Bawal ibenta

Binalaan kahapon ng Department of Health (DOH), Food and Drugs Administration (FDA) at National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang publiko laban sa hindi awtorisadong pagbebenta ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ito’y matapos na makatanggap sila ng ulat hinggil sa ilang organisasyon o indibidwal na umano’y nagbebenta o nag-aalok ng COVID-19 vaccines sa mga mamamayan. Ayon sa kanila, hindi pa maaaring ipagbili o makabili ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil ang inisyung emergency use authorization (EUA) sa mga ito ay hindi naman marketing authorization at hindi rin Certificate of Product Registration (CPR).

“The DOH, FDA, and NTF reiterate that the EUA granted to any COVID-19 vaccine is neither a marketing authorization nor a Certificate of Product Registration, meaning that these cannot be sold/purchased to the public,” anila.

Nagpaalala rin ang mga naturang ahensiya na ang pag-manufacture, pag-import, pag-export, pagbebenta, pag-aalok para ibenta, at pamamahagi ng mga unregistered health products, ay ipinagbabawal ng pamahalaan at may katapat na parusa sa ilalim ng Food and Drug Administration Act of 2009.