ni Bert de Guzman
SA nakalipas na linggo, nabigla ang mga mamamayan sa pagsipa at pagdami ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, lalo na sa Metro Manila na mas grabe kaysa pa noong nakaraang Agosto, nang ipasiya na muling ilagay sa istriktong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon sa UP OCTA Research Group, lubhang mabilis ang pagkalat ng virus. Sinabi ni OCTA fellow Ranjit Rye, ang siyensa ay malinaw at totoo. “The data is very clear that there is a very serious and very fast uptick or increase in cases of Covid-19.”
Habang sinusulat ko ito, ang pinakahuling tala ng Department of Health (DOH) ay pumalo na sa 5,000 kaso ng COVID-19 noong Marso 13. Naniniwala si Dr. Guido David ng OCTA Group na posibleng sumipa ng 7,000 kada araw ang bilang ng mga kaso kapag hindi nag-ingat ang mga tao at sumunod sa minimum health protocols sa katapusan ng buwan.
Samantala, sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG), maaaring makatulong sa pagsawata sa patuloy na pagdami ng tinatamaan ng virus ang uniform curfew hours o isang unipormadong oras ng curfew sa buong Metro Manila. Ito ay ang 10pm-5am curfew hours.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, makatutulong din sa pagpigil ng pagkalat ng virus ang enhanced localized lockdowns (ELLs) upang mapababa ang antas ng mga impeksiyon. Sa pamamagitan aniya ng common curfew hours kasama ang iba pang patakaran na ipinatutupad sa Metro Manila LGUs, gaya ng localized/granular lockdowns at crackdown sa mga violator ng minimum public health standards, umaasa ang DILG na bababa ang kaso ng coronavirus.
Nagkaisa ang Metro Manila mayors na i-adopt ang uniforms curfew hours sa buong National Capital Region (NCR) mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga simula nitong Marso 15 upang ma-regulate ang pagkilos ng mga tao.
Ipinaliwanag ng DILG na exempted sa curfew hours ang mga manggagawa at empleado na nagpupunta sa trabaho at umuuwi pagkatapos ng tungkulin basta nakapagpakita ng company ID o patunay sa checkpoints.
oOo
Pinangunahan ni Pope Francis ang misa sa Vatican kaugnay ng ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Ginanap sa St. Peter’s Basilica, ang misa ay livestream sa pamamagitan ng Facebook pages ng CBCP News, Visita Iglesia, Saint Pedro Calungsod at CBCP Online Radio.
Si Luis Antonio Cardinal Tagle, prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples at Cardinal Angelo Donatis, vicar ng Papa sa Rome, ay nagmisa rin na dinaluhan ng Filipino seminarians at clergymen.
Noong 2019, pinangunahan ni Pope Francis ang Simbang Gabi kasama ang Filipino community sa Rome. Nanawagan siya noon sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na “magpatuloy sa pagiging smugglers ng pananampalataya.” Binisita niya ang Pilipinas noong 2015, dalawang taon matapos mahalal na puno ng Roman Catholic Church na may 1.3 bilyong mananampalataya.
Mahal ng Santo Papa ang Pilipinas. May natatanging bahagi sa puso ni Lolo Kiko ang kapakanan at kabutihan ng mga Pinoy. Sana ay manatili ang pagmamahal ng Papa sa ating bansa upang makaligtas tayo sa pandemya at makarating sa Pilipinas ang mabibisa at ligtas na bakuna.