ni Ellalyn De Vera-Ruiz
MAAARING makatulong ang muling pagpapatupad ng mas mahabang oras ng curfew sa Metro Manila, sa susunod na dalawang linggo upang magkaroon ng “slight” na pagbaba sa inaasahang arawang bilang ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa sa pagtatapos ng Marso, pahayag ng OCTA Research Team nitong Lunes.
“May konting inaasahan tayo na pagbaba sa reproduction number kapag napatupad na ngayon ‘yung curfew, limited hours.,” pahayag ni OCTA research chief Guido David sa isang panayam sa Teleradyo.
“Ang inaasahan natin mapabagal niya ng konti ‘yung pagkalat. Sana umabot na lang sa 6,000 to 7,000 (daily cases nationwide) sa katapusan. Ibig sabihin nun bumagal siya nang konti, hindi niya aabutin yung 8,000,” dagdag pa ni David.
Nitong weekend inaasahan ng OCTA na maaaring umabot sa 8,000 kaso ng COVID-18 ang maitatala kada araw sa bansa sa pagtatapos ng Marso o 18,000 hanggang 20,000 daily cases pagsapit ng kalagitnaan ng Abril kung magpapatuloy ang kasalukuyang reproduction number na 1.9.
“Lahat ng paraan na pwede para mabawasan ang tao sa labas. ‘Yung nagtitipon-tipon dapat ‘wag muna ‘yang mga ‘yan, mga mass gathering,” ani David.
“Makikita natin ang epekto nito this week kasi this week magsisimula ‘yan. Inaasahan naman naming bababa ‘yan, may effect naman talaga ‘yan sa reproduction number talaga kahit hindi ganun kalaki and epekto niya,” dagdag pa niya.
Muli ring iginiit ni David na ang desisyon na magpatupad ng isang lockdowan ay nakasalalay sa pamahalaan.
“Paniwala natin kapag lalong lumobo ‘yung bilang ng kaso tulad niyan kunyari patuloy tayo sa 8,000 cases per day, sobrang dami na niyan hindi na kakayanin ng healthcare system ‘yun,” saad niya.
“‘Yung pamahalaan mismo sila ‘yung mag-iimplement ng lockdown kapag ganyan na karami kasi manghihingi na ulit ng timeout ‘yung mga healthcare workers kapag di na nila kakayanin. ‘Yun ang paniwala natin,” giit ni David.
Ipinaliwanag din niya na maaaring hindi makita ang malaking pagbabago ng COVID-19 trend sa Metro Manila sa susunod na dalawang linggo.
“Medyo complicated dito (Metro Manila) dahil tumataas na rin sa ibang bahagi ng Calabarzon. We don’t think na magiging pababa na ‘yung trend natin pagdating ng April,” punto pa ni David.
“Isa sana ‘yun sa mga requirements pa para magluwag kapag pababa na ‘yung bilang ng kaso. Mahirap magluwag kapag mataas ‘yung bilang ng kaso kasi magkakaroon ng compounding effect ‘yung pagluwag at pagtaas ng kaso. Siguro kung may bakuna na tayo malaking factor ‘yun kung maraming pumasok na bakuna sa April,” aniya pa.