Ni ARGYLL CYRUS GEDUCOS
Sinabon ni Vice President Leni Robredo si Philippine National Police (PNP) Gen. Debold Sinas kaugnay ng pagiging pasaway nito sa ipinaiiral na health protocols laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Robredo, dapat manguna si Sinas bilang ehemplo at hindi ito pagala-gala dahil hindi pinipili ang hinahawaan ng nasabing sakit. Ang hakbang ni Robredo ay bilang tugon sa pag-alma ng local government ng Oriental Mindoro kung saan nagtungo si Sinas upang bisitahin ang regional headquarters ng pulisya, nitong Huwebes, ang araw kung saan nito isinapubliko na positibo ito sa COVID-19.
Aniya, responsibilidad ni Sinas bilang isang opisyal na tiyakin sa publiko na hindi siya nahawaan ng sakit.
“Dapat tayo ‘yung example. Walang excuse dahil wala namang nae-excuse sa virus. Dapat kung ano ‘yung policy on the ground sumunod tayo. Responsibility natin na hindi tayo carrier,” pagdidiin nito.
“Sana hinintay ‘yung results. Kung magte-test ka tapos hindi mo hinintay ‘yung results, pumunta ka pa rin, para saan ‘yung test?” pagtatanong pa ni Robredo