ni Dave M. Veridiano, E.E.
SIMULA ngayong araw, mula alas diyes ng gabi (10:00 PM) hanggang alas singko ng madaling araw (5:00AM), ay ipatutupad sa buong Metro Manila ang pitong oras na curfew bilang bahagi ng estratihiyang Prevent, Detect, Isolate, Treat at Reintegrate” (PDITR) na panlaban sa inaasahang pagtaas ng kaso nang paghahawaan sa COVID-19. Bahagi rin ito ng tinatawag na “unified curfew hours” na mas maigting na ipatutupad sa buong Kalakhang Maynila.
Nabahala kasi ang mga Metro Manila mayor sa biglang pagtaas mula sa walong porsiyento simula noong Pebrero 4 hanggang umabot na sa 60 porsiyento pagpasok pa lang ng buwan ng Marso, sa mga naitalang nagkasakit ng COVID-19 – na isinisisi nila sa pagluwag sa paggalaw ng ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga pasaway sa mga barangay.
Nagkaisa ang mga ehekutibo ng siyudad na ipatupad na rin ang bagong “unified curfew hours” upang maiwasan ang pagkakalituhan ng mga kababayan natin, na sa kanilang pagtatrabaho ay kailangang tumawid sa iba-ibang Area of Responsibility (AOR) ng mga siyudad sa Kalakhang Maynila.
Pero Nilinaw ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na ang apektado rito ay ‘yung mga PASAWAY sa mga kalsada ng mga barangay, na ang tanging alam na gawin ay tumambay lamang.
Sa online news forum na Balitaan sa Maynila ay sinabi ni Usec Diño: “Yung mga nagtatrabaho at may importanteng dapat na gawin sa labas, gaya ng mga bibili ng gamot sa mga botika, nagde-deliver ng mga pagkain online, ay exempted sa curfew. Pero ‘yang mga pasaway sa kalsada, at mga mahilig sa goodtime sa mga beerhouse nang magdamagan, ay bibigyan natin ng leksyon ang mga ‘yan!”
Sinabi rin ni Usec Diño na mas paiigtingin din ng DILG, sa tulong ng mga tauhan ng mga barangay, ang tracing at pag-quarantine ng mga close contact ng mga may sakit. Bukod pa ito sa inanunsiyo ng Philippine National Police (PNP) na magdaragdag ito ng 360 na contact tracers upang makatulong sa ahensiya. At bilang tulong naman sa mga contact tracer ay nagbigay rin ang Red Cross, ng 25,000 testing kits na ipamamahagi sa LGUs sa Metro Manila. Nauna nang ipinahayag ito ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benjamin Abalos, matapos na maglabas ng nakababahalang projection ang UP-OCTA Research sa magiging pagsirit pataas ng mga magkakahawaan sa COVID-19 simula sa pagpasok ng buwan ng Pebrero, na ‘di naman sumala.
Dahil dito ay inilabas ang estratehiyang PDITR na sinimulan lamang noong nakaraang linggo sa ilang lungsod sa Metro Manila, pero mas paiigtingin ang pagpapatupad simula ngayong araw – sa loob ng dalawang linggo -- sa buong Kamaynilaan.
Paliwanag ni Chairman Abalos: “Uniformed curfew hours ang ipatutupad sa buong rehiyon para hindi malito ang mga tao. Ang dalawang linggong panahon ay dahil sa ito ang mga araw ng buhay ng virus.” Ipinaliwanag pa niya na kasama sa pinaigting na PDITR ang pagbaba ng coordinated granular at special concern lockdown sa mga lugar na may pulu-pulong kaso ng COVID-19.
Nakatatakot at nakababahala ang mga projection ng eksperto sa pandemiya – kaya habang nakatanghod tayo sa paghihintay sa mga bakuna na ipinangako sa atin ng mga genius sa administrasyong ito, kanya-kanya muna tayo nang pag-iingat, sumunod sa tamang healthy protocols na paulit-ulit namang ipinaaalam sa atin!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]