ni Argyll Cyrus Geducos
Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa publiko na magtiwala sa mga alkalde kaugnay ng ipinatutupad na uniform curfew sa Metro Manila.
Paliwanag ni Robredo, makatutulong ang naturang hakbang ng mga alkalde upang mapigilan na ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 sa bansa.
Inilabas ni Robredo ang apela isang araw bago ang ipatupad ang pagsasagawa ng uniform curfew sa kalakhang Maynila na tatagal ng dalawang linggo.
“May tiwala naman ako sa mayors, eh. Para sa akin ‘yung mayors ang nakakaalam ng sitwasyon on the ground.
Magbigay na tayo ng tiwala sa mayors kasi hindi naman ito hihilingin kung hindi sa kanila mahalaga,” pahayag nito.
Binanggit nito ang naging hakbang ng Metro Manila mayors na ipagpaliban muna ang muling pagbubukas ng sinehan na nauna nang binuksan nitong nakaraang buwan, gayunman, isinara rin pansamantala bunsod nang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“Kahit nagsabi ‘yung IATF (Inter-Agency Task Force) na puwede na magbukas ng sinehan, maraming mayors ‘yung ayaw sumunod,” paliwanag pa ni Robredo.