WASHINGTON (AFP) — Hataw si Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 33 puntos, 11 assists at 11 rebounds para sa ika-anim na triple-double ngayong season para sandigan ang Milwaukee Bucks sa dominanteng 125-119 panalo laban sa Washington Wizards nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Nag-ambag si Jrue Holiday ng 18 puntos para sa ikawalong panalo sa huling siyam na laro ng Bucks at mapatatag ang kapit sa No.2 spot sa Eastern Conference standings.
Nanguna si Russell Westbrook sa Wizards na may 42 puntos, 10 rebounds at 12 assists para sa ika-11 triple-double ngayong season, habang tumipa si Rui Hachimura ng 29 puntos.
BLAZERS 125, TIMBERWOLVES 121
Sa Minneapolis, tinupok ng Portland Blazers, sa pangunguna nina Carmelo Anthony na may 26 puntos at Damian Lillard na may 25 puntos at 10 assists, ang Minnesota Timberwolves.
Kumasa si Enes Kanter ng 20 puntos at 11 rebounds.
Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Minnesota na may 34 puntos at 10 rebounds, habang kumikig si rookie Anthony Edwards ng 21 puntos, at walong boards.
HAWKS 121, KINGS 106
Sa Atlanta, ratsada si Clint Capela na naiskor na 24 puntos sa panalo ng Atlanta Hawks sa Sacramento Kings.
Naitala ng Hawks ang ika-apat na panalo sa pangangasiwa ni interim coach Nate McMillan.
“You don’t want to be satisfied with just winning four in a row, but anytime you can win a game in this league, we’re going to take it,” pahayag ni Hawks guard Trea Young.
Humugit din si Capela ng 14 boards para sa ika-25 career double double.
Nanguna si De’Aaron Fox sa Kings na may 32 puntos.
HORNETS 114, RAPTORS 104
Sa Charlotte, kumikig si LaMelo Ball na may 23 puntos at siyam na rebounds, sa panalo ng Charlotte laban sa Toronto Raptors.
Kumana sina Devonte Graham at Terry Rozier ng tig-17 puntos para sa Hornets.