KUNG hindi pa sapat ang paghihirap na dinaranas natin sa COVID-19 pandemic, kasalukuyang may isang mungkahi sa Senado para isailalim ang buong bansa sa state of emergency dulot ng African Swine Fever (ASF) outbreak, na nakakuha na ng tinatayang P50 billion sa pagkalugi ng industriya ng pagbababoy at nagtulak sa pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa merkado. Tila walang gumagana sa mga hakbang ng Department of Agriculture (DA).
Sa mosyon ni Senador Francis Pangilinan, itinulak ng Senado na irekomenda ng Department of Agriculture (DA) sa Office of the President ang deklarasyon ng isang state of emergency sa Luzon, Visayas, at Mindanao dahil sa ASF upang magamit ang pondo na makatutugon sa state of emergency. Sinegundahan ni Senador Nancy Binay ang mungkahi at suportado ni chairperson of the Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, Senador Cynthia Villar.
Inihain ang panawagan matapos sabihin ng mga lider ng industriya na ang hakbang na iniimplementa at inihain ng DA—tulad ng implementasyon ng price ceiling at planong pagpapababa sa taripa ng imported na baboy—ay hindi gumagana o pumipinsala sa lokal na industriya ng pagbababoy.
Nagdulot na ang ASF ng pagkamatay at culling ng higit 500,000 baboy sa bansa. Ngunit nagpahiwatig ang ilang stakeholders na mas maraming baboy pa ang apektado ng virus. Maraming maliit na magbababoy na ang nagdesisyong lumipat na ng ibang kabuhayan.
Unang natukoy ang kinatatakutang virus sa Pilipinas noong 2019 at nagtulak ito ng pagtaas ng presyo ng baboy sa gitna ng bumabagsak na suplay, partikular sa Luzon. Inaksiyunan ng DA ang tumataas na presyo gamit ang iba’t ibang hakbang tulad ng price cap sa baboy sa Metro Manila at mungkahi na ibaba ang taripa para sa pag-angkat ng baboy at pagpapataas ng Minimum Access Volume (MAV) allocation sa mga kalakal.
Gayunman, para sa mga lider ng industriya kapwa mapaminsala ang dalawang hakbang para sa lokal na industriya, lalo na ang magbibigay-daan sa pagpasok sa bansa ng mas maraming imported na baboy.
Sinabi ni Senador Pangilinan na ang presidential declaration para sa isang state of emergency ay magkakaloob ng dagdag na pondo para sa mga lokal na magbababoy. Inalala niya na ang deklarasyon ng isang state of emergency ay inilabas ng Malacañang sa kasagsagan ng cocolisap infestation noong 2014, na nagbigay-daan sa pamahalaan na ma-reallocate ang pondo upang matugunan ang outbreak na puminsala sa industriya ng tinatayang P33 billion.
Sa pagdinig ng Senado, iminungkahi rin ni dating Congressman Nicanor Briones ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) na isama sa mosyon ang isang indemnification fund para sa mga apektadong baboy ng ASF. Pinakamagandang tulong ito sa mga magbababoy sa bansa at hihikayat sa kanila na manatili sa industriya sa panahong ito ng matinding pangangailangan.