ni Bella Gamotea
Umapela kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na huwag magpakalat ng maling impormasyon na nagiging sanhi ng pagkaalarma ng publiko.
Ito ay kasunod nang pagkalat ng mga infographics ukol sa travel restriction na inilabas noong 2020, gayunman, muling kumakalat ngayon sa social media at pinalitan ang petsa para magmukhang bago.
"Land, domestic air, and domestic sea travel to and from Metro Manila will be suspended starting March 15, 2021, until April 14, 2021," ayon sa kumakalat na fake news.
Kaugnay nito, nanawagan si MMDA chairman Benhur Abalos sa publiko na itigil na ang nasabing maling gawain na nagdudulot ng pangamba sa publiko. Hindi aniya suspindido ang domestic travel sa bansa.