ni Aaron Recuenco
Sinibak sa puwesto ang hepe ng Intelligence Unit ng Calbayog City Police matapos mag-viral ang liham nito sa hukuman na humihingi ng pangalan ng mga abogadong sumusuporta sa mga rebelde.
Ang nasabing opisyal ay kinilala ni Philippine National Police Officer-In-Charge Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, na si Lt. Fernando Calabria, Jr.
Aniya, palpak ang ginawa ni Calabria at nakompromiso ang magandang relasyon ng pulisya at ng hudikatura.
Si Calabria ang nakapirma sa request letter na kumalat sa social media.
Ang nasabing liham na may petsang Marso 12 ay naka-address sa Clerk of Court ng Calbayog City Hall of Justice kung saan humihingi ito ng mga pangalan ng mga abogadong kumakatawan sa mga itinuturing na Communist Terrorist Group (CTGs).
Nakapaloob sa liham na ang kanyang hakbang ay bahagi lamang umano ng kautusan mula sa “nakatataas na tanggapan ng PNP”.
Gayunman, itinanggi ito ni Eleazar.